"Sa mundo ng Blog, hindi lang pala mambabasa, tagahanga at tagasubaybay ang makikilala mo; minsan doon mo rin makikilala ang taong bubuo sa susunod na kuwentong isusulat mo." |
Madilim pa pala,
“teka, anong oras na ba?” Tanong ko sa aking sarili at napalingon sa orasan.
“Naku, alas tres ng madaling araw pa pala.” Bumangon ako at nagtungo sa
kusina, nagtimpla ng kape saka umupo sa mesa. Pagkatapos ng unang higop ko sa
kape ko, naisipan kong buksan ang laptop ko. May isusulat nga pala ako.
Ako nga pala si
Ted, isa akong blogger, doon sa Definitely Filipino Blog; alam nyo iyon?
Maraming magagaling na bloggers doon. Sa Blog Site na iyon, mayroon akong nakilala;
siya si Hanna, isa rin siyang blogger.(isa sa mga readers at followers ko)
“Hello, Ted; alam
mo, bilib talaga ako sa husay mo sa pagsusulat. Grabe ka, ang hilig mong
mangurot ng puso naming mga readers mo. Saan mo ba hinuhugot ‘yang mga linya
mo, at ang lalalim?”
“Hello, Hanna;
salamat sa pagbabasa ha, malalim ba ang mga linya ko? May salbabida ako rito,
gusto mo? Hehe!”
“Haay… salamat!
Sa wakas nag-reply ka rin. Marunong ka rin palang magbiro. Hehe! Alam mo ba na
lagi akong nagbabasa ng mga blog mo?
Halos lahat yata ng blog mo may comment ako.
“Alam ko, nakikita
at nababasa ko mga comment mo. Isa ka nga sa mga dahilan kaya ako nai-inspire
laging magsulat. Isa ka kasi sa mga nandyan lagi na tagasubaybay, nagbabasa at
nagbibigay halaga sa mga sinusulat ko.”
“Ay, may
pagkasuplado ka pala. Kasi hindi ka nagre-reply sa mga comment ng readers mo.”
“Hindi naman sa
suplado ako, natatakot lang ako. Natatakot na baka kapag nag-reply ako, hindi
na ako makapagsusulat ulit, kasi baka malibang akong kausapin ka sa comment
box.”
“Naks naman,
bumabanat ka na naman.Feeling ko tuloy, nagbabasa na naman ako ng blog mo; ikaw
‘yong bida at ako ‘yong leading lady mo.”
“Wow! P’wede
naman e. Gusto mo magsulat ako ng isang kuwento, at tayong dalawa ang bida?”
“Wow! Siyempre,
gusto ko! P’wede ba ‘yon?”
“P’wedeng-p’wede,
kaya lang, ano ang isusulat ko, e, wala pa namang nangyayari sa atin.”
“Ganon? Kailangan
pa ba ‘yon? Ang dami mo ngang naisulat nang iba.”
“Oo, kailangan
‘yon. Kasi gusto ko ang kuwento natin ay totoo. ‘Yong mga naisulat ko na,
kathang-isip ko lang mga ‘yon.”
“Naman…ang
sweet-sweet naman ng isang Ted. Alam mo, nako-curious ako sa itsura mo. Bakit
wala kang profile picture dito? Saka anong tunay mong pangalan?”
“Kasi ayaw kong
kilalanin nyo ako sa totoong pangalan at totoong itsura ko. Gusto ko kilalanin
nyo ako sa kung paano ko kayo napangingiti, napasasaya at nasasaktan sa mga
blog ko. At iyan ay si Ted.”
“Assuuuus… Anong
account mo sa Facebook, para ma-add kita?”
Bago ko pa nakausap
si Hanna sa blog site, nakita ko na siya sa picture. Pangatlong comment niya
noon sa blog ko, na-curious ako, kaya tiningnan ko ang facebook profile niya.
Naka-link kasi sa blog profile niya ang kanyang facebook account.
Unang tingin ko
pa lang sa kanyang larawan noon, nasambit ko na sa sarili kong, “ang
ganda-ganda naman niya.” Naaliw akong pagmasdan ang mga larawan niya. At
habang pinagmamasdan ko ang mga ito, tila ba may isang tinig akong naririnig.
Nakaramdam ako ng kaiibang pakiramdam. Pero binale-wala ko lang iyon. At
pagkatapos noon, umalis na rin ako at iniwan ang facebook profile niya na may
ngiti sa aking labi.
Akala ko noon,
hanggang doon lang iyon. Akala ko, hanggang ganon lang. Hindi ko pala alam, may
karugtong pa iyon. At nangyari noong araw na nag-reply ako sa comment niya sa
aking blog.
Ang usapan namin
ni Hanna sa comment box ng blog site na iyon ay nauwi sa mundo ng facebook. Sa
facebook, kilala na namin ang tunay na pangalan ng bawat isa. Kilala na rin
namin ang tunay na itsura ng bawat isa, sa picture nga lang.
Si Hanna ay isang
OFW, katulad ko rin. Nagtratrabaho siya bilang nurse sa bansang Oman at ako
naman ay nagtratrabaho bilang cleaning worker sa United Arab Emirates. Ang layo
ng pagkakaiba namin di ba? Isa lang ang bagay na may pagkakatulad kami, at iyon
ay ang hilig namin sa pagsusulat.
Sa mundo ng blog
at Facebook, nabuo ang pagkakaibigan namin ni Hanna. Hindi buo ang araw namin
kapag hindi namin nakauusap ang isa’t-isa. Sa umaga, pagkagising ko, kukunin ko
na agad ang mobile phone ko, titingnan kung may text akong natanggap. Kung
walang text, mag-o-online ako at iche-check ko ang inbox ko, kung may message
na siya. Kung wala pa, marahil tulog pa siya. Ako na ang unang magme-message sa
kanya. Pero kung mauuna siyang magising, ang palaging mababasa ko na mula sa
kanya,
“Good morning,
Ted. Ang sarap ng tulog mo, siguro napanaginipan mo na naman ako no? Gising
ka na, naihanda ko na ang almusal mo. Nagtimpla na rin ako ng kape mo, konti
lang ang asukal na nilagay ko, baka kasi sumobra, ang sweet-sweet mo na e.”
“Good morning,
Hanna. Late ako nagising, kasi kasama kita sa panaginip ko, kaya hindi kita
maiwan-iwan doon. Salamat sa paghahanda ng almusal ko. Ang sarap, nabusog ako.
Papasok ka na ba? Ingat ka, ingatan mo muna ang sarili mo, kasi masiyado pa
akong malayo sa’yo, para ako na sana ang mag-iingat sa’yo.”
Madalas ganito
ang mga eksena namin sa umaga. Walang sawang pinagsasalohan ang imahinasyon at
likot ng aming isipan. Nangangarap kahit dilat na dilat naman ang aming mga
mata.
Palagi kaming
nagbabahagian ng mga kuwento; ideya, opinyon, karanasan at paniniwala. Naging
bukas kami sa isa’t-isa. Kung iisipin parang matagal na kaming magkakilala.
Araw-araw kulitan, asaran at tawanan kaming dalawa. Sabi ko nga sa sarili ko,
para kaming magkababata, sabay lumaki, nagkahiwalay, saka pinagtagpo muli ng
social media; kaya parehong sabik sa isa’t-isa.
Mula noong
makilala ko si Hanna, hindi na ako nakakapag-blog. Naibaling na ang atensyon ko
sa kanya. Nakalimutan ko na noon ang mga ibang readers at fans ng blog ko.
Naging abala na ako sa mundo niya. Minsan nga tinatanong niya ako kung bakit
daw hindi na ako nagsusulat.
“Hello, ted.
Bakit hindi ka na nagba-blog? Wala ka ng bagong blog. Nami-miss ko na magbasa
ng blog mo. Binabalik-balikan ko na lang yung mga dating blog mo na gustong-gusto
ko. May mga comments ng ibang readers mo doon, bakit daw wala ka na bagong
blog.”
Kapag ganyan ang
tinatanong sa’kin ni Hanna, kahit online ako, hindi ako sumasagot kaagad. Umiiwas
ako. At kapag ime-message ko na siya, mag-uumpisa ako sa ibang topic. Palagi
kong ibinabaling sa iba ang usapan kasi hindi ko naman maamin sa kanya, na siya
ang dahilan.
Oo, inaamin ko na
type ko na noon si Hanna. P’wede ba iyon? Iibig ako sa isang tao na hindi ko pa
nakikita at nakikilala sa totoong buhay? Para sa’kin, p’wede iyon, kasi ang
pag-ibig, hindi naman nakikita, iyon ay nararamdaman. At iyon ang nararamdaman
ko para kay Hanna, kahit noong una pa.
Mula noong
makilala ko si Hanna, hinati-hati ko sa tatlong bagay ang buong maghapon ko.
Walong oras akong magtratrabaho, apat na oras akong matutulog at dose oras ko
siyang iisipin. Pero habang tumatagal sinasakop na niya ang buong maghapon ko.
Kahit anong ginagawa ko, kahit nasa trabaho, iniisip ko siya. Pati sa pagtulog
ko, dumadalaw rin siya sa aking panaginip.
Malambing si
Hanna. Mabait, masipag, matalino at maka-Dyos. Palagi siyang nagme-message sa
akin. Kung wala siyang internet, magte-text siya. Palaging tinatanong kung
kumain na ako, kung tapos na ba ang trabaho ko, kung napagod ba ako. Basta isa
siya sa mga pumapawi nang kapaguraan ko. Sa mga ginagawa niyang iyon sa’kin,
hindi niya alam na abot hanggang tainga ang ngiti ko.
“Alam mo para
kang bulaklak.”
“Bakit, dahil ba
maganda ako at mabango?”
“Oo, maganda ka
at mabango. Ako naman ay parang bubuyog, hindi mabubuhay kapag hindi ka
nahahagkan.”
“Para akong
langgam.”
“Bakit, masakit
ka ba mangagat?”
“Hindi, mahilig
kasi ako sa sweet, tulad mo.”
Habang tumatagal,
at sa mga ginagawa at pinararamdam niya sa ‘kin, lalong nahuhulog ang loob ko
sa kanya. Hindi lang talaga ako ganon katibay para aminin sa kanya ang aking
nararamdaman. May takot ako na baka biglang mag-iba ang tingin niya sa’kin
kapag nagtapat ako. Kaya ipinapanalangin ko na lang na sana, kahit hindi niya
ako naririnig na nagsasalita, sana nakikita at nararamdaman niya ‘yong mga
ginagawa ko. Natatakot akong magsalita kasi baka hindi siya makikinig. Siguro
nga handa naman siyang makinig. Ako lang iyong hindi handang magsalita. Kasi may
iniingatan ako, at iyon ay ‘yong pagkakaibigan naming dalawa.
Mabilis ang
pag-ikot ng buwan at araw, hanggang sa dumating ‘yong araw na nahihirapan na
ako. Nahihirapan na akong pigilan ang tunay na nararamdaman ko para sa kanya.
Pero kapag inamin ko, baka iisipin niyang nagbibiro lang ako. Ang sakit nun!
Masakit Kapag nakararamdam ka ng totoo pero hindi naman siya naniniwala sa’yo.
“Ano ba ang
mawawala sa’kin kapag inamin ko?” Na-realize ko na
mas matindi pala ang mawawala sa’kin kapag pinanatili ko itong nakatago. Kaya
bahala na. Oras na para aminin ko.
“Hanna…”
“Yes, Ted… Ano
iyon?”
Sa message ni Hanna,
parang may kahulugan sa pagitan ng bawat letra. Parang may hinihintay siya na sabihin
at aminin ako. Parang nababasa niya ang laman ng puso ko.
Grabe, ang hirap
talaga. Nakapanghihina. Parang alak lang na kapag nilunok mo, mahapdi sa
sikmura at mainit sa tainga. Pinakakapal, pinamamanhid at pinapupula pa ang
iyong mukha.
“Anong ginagawa
mo, kumain ka na?”
Sh*t! Hindi ko
kayang sabihin. Nauwi sa iba ang usapan. Walang nangyaring pagtatapat. Bigo rin
si Hanna na malaman ang inililihim ko sa kanya. Nang mapasulyap ako sa
kalendaryo. Buwan ng agosto na pala. Isang buwan na lang magbi-birthday na
siya. Magandang pagkakataon iyon. Kailangan mapaghandaan ko. Iyong gabi na iyon
hindi ako nakatulog. Nakahiga lang ako at nag-iisip kung ano ba ang gagawin ko.
Binalikan ko’ yong
conversation namin sa inbox. Kinuha ko ‘yong mga magagandang lines naming
dalawa. Ang lahat ng iyon ay nilagay ko sa isang video, kasama ang larawan niya
at larawan ko. Sa dulo ng video, bago ito matapos, nakalagay doon ‘yong
pag-amin ko. Inisulat ko sa puting papel saka ko hinawakan at kinunan ng video
pati ang sarili ko.
Pagkatapos kong
gawin yung video, nag-search ako ng online flowers shop sa Oman. May nakita
ako. Tamang-tama may pinoy na nagtratrabaho doon. Kinakontsaba ko ‘yong pinoy
na iyon. In-upload ko ‘yong video saka ko ni-send sa kanya. Sinabi ko na
i-download niya saka i-save sa usb flash drive. Tapos kasama ng bouquet ng
rosas at teddy bear ide-deliver niya iyon kay Hanna, sa araw mismo ng kaarawan
niya.
Dumating ang araw
ng kaarawan ni Hanna. Magkahalong sabik at kaba ang naramdaman ko sa araw na
iyon. Para akong lumulutang sa sobrang kaba. Hindi ko siya mine-message o
binabati sa Facebook o sa text. Hindi ko rin siya tinawagan. Sinadiya ko
talagang hindi muna magparamdam sa mga sandaling iyon.
May mga message
siya sa akin noon. Nagtatampo, may nalimutan daw kasi ako. Alam ko ang ibig
niyang sabihin. Nalimutan ko siyang batiin, kasi birthday niya. Hindi pa rin
ako sumasagot sa mga message niya. Hinintay ko lang hanggang sa mangyari yung
plano ko. Pang-araw kasi ang duty ni Hanna sa araw na iyon, kaya gabi niya
matatanggap yung sorpresa ko. Sinabihan ko si kabayan sa flower shop na gabi
niya iyon ide-deliver, sa oras na nakauwi na si Hanna, galing sa trabaho.
Gabi na noon,
nakahiga ako pero nananatiling nakadilat ang aking mga mata, nag-aabang ng mga
susunod na mangyayari. Maya-maya pa ay nakatanggap na ako ng mensahe mula sa
kanya.
“Hello, Ted.
Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Nabigla talaga ako. Hindi ko inaasahan
ito. Hindi ko hinihintay ‘to, ang hinihintay ko lang ay ang simpleng pagbati
mo, na akala ko nakalimutan mo na. Iyon pala, may sorpresa ka na magpapaiyak sa
akin ng sobra. Pinaiyak mo ako sa sobrang saya, Ted. Ngayon lang nangyari sa
buhay ko ang ganito. Hindi ko alam kung paano kita pasasalamatan.
Ted, siguro hindi
ka naman manhid para hindi mo maramdaman na mahal din kita. Kasi sa tingin ko,
hindi naman ako nagkulang sa pagpapakita at pagpaparamdam non sa’yo. Minsan pa
nga, naisip ko nang ako na lang ang unang magtapat sa’yo, pero parang
nakahihiya kasi babae ako. Kaya hinintay ko na lang ang pagkakataong ito.
Ted, oo, mahal
din kita. Minahal na kita noong bago pa lang tayo magkakilala. Sa lahat ng mga
taong nakilala ko lang sa social media, sa’yo lang ako nagtiwala. Sa’yo lang
naging malapit ang loob ko. Hindi ako nakaramdam nang takot o pag-aalinlangan
sa’yo kahit na hindi pa kita kilala at hindi pa nakikita sa personal.
Pareho tayong
naglihim, pareho tayong naghintay; pero ang pinakamasarap don, pareho nating
mahal ang isa’t-isa.”
“Yes!”
Halos mapalundag ako sa sobrang tuwa noon pagkabasa ko sa mensahe niya. Grabe,
ang sarap ng pakiramdam. Ganoon pala ang pakiramdam kapag malaman mong mahal ka
rin ng taong mahal mo. Iyon ang araw ng kapanganakan Ni Hanna. Iyon din ang
araw na naging kami. Sa araw na iyon nagsimula ang buhay namin bilang
magkasintahan. Kaya sobrang halaga ng araw na iyon para sa aming dalawa.
Bago pa naging
kami ni Hanna, nagpunta ako sa isang jewellery shop. Bumili ako ng isang
bracelet saka isang singsing. Iyong singsing na nagustuhan ko, napili at nabili
ko, pang-couple iyon. Mayroon siyang kapares pero ‘yong isa lang ang binili ko.
“Bakit isa lang,
bilhin mo na pati ‘yong kapares para ibigay mo sa girlfriend mo,”
sabi ni kabayan sa jewellery shop.
“Wala naman akong
mapagbibigyan kasi wala naman akong girlfriend,”
sagot ko naman sa kanya.
Pagkalipas pa ng
isang taon, umuwi na si Hanna sa Pilipinas. Hindi na kasi siya nag-renew ng
kontrata. Balak niyang pumunta sa iba na namang bansa. Ako naman ay may tatlong
buwan pa bago matapos ang kontrata ko. Pagkatapos noon, hindi na rin ako
magre-renew, dahil lilipat ako sa ibang company, pero kailangan kong mag-exit.
Tamang-tama, makikita ko na si Hanna sa personal. Mahahawakan ko na ang mga
kamay niya. Mahahagkan at mayayakap ko na siya.
Noong malapit na
akong umuwi, bumalik ako sa jewellery shop para bilhin yung kapares nang nabili
kong singsing noon. Pero bago iyon, kinakontsaba ko muna ‘yong best friend ni
Hanna. Nakisuyo ako sa kanya na alamin kung ano ang sukat ng daliri ni Hanna.
Gusto ko, hindi ako magkakamali sa sukat ng bibilhin ko. Dapat ‘yong sakto talaga
sa daliri niya.
Dumating ang araw
na uuwi na ako. Alam ni Hanna na pauwi na ako pero hindi niya alam ‘yong
eksaktong araw nang uwi ko. Hindi ko sinabi sa kanya dahil gusto kong
sorpresahin ulit siya, sa tulong naman ng bestfriend niya.
Sa lugar nila hanna,
hindi masyadong malayo mula sa lugar namin, mayroon silang tinatawag na
“munting baguio,” isang medyo mataas na lugar, na napalibutan ng iba’t-ibang
klase ng punong-kahoy, iba’t-ibang klase ng halaman at bulaklak. Lalong maaaliw
ang mga mata mo sa mga paru-parong may iba-t-ibang kulay at nakakapit sa mga
bulaklak. Sasabayan pa nang malalamyos na himig ng mga maliliit na ibon na
malayang lumilipad at palipat-lipat sa sanga ng mga puno. May mga upuan din
doon. Parang park lang siya. Maganda at tahimik, matatanaw mo ang mga kabahayan
sa bandang ibaba non. Presko at malamig ang hangin doon, kaya nila tinawag na
munting baguio.
Ilan sa mga
punong-kahoy doon ay diniktan ko ng
larawan ni Hanna. Kasama ang mga linya ko na nakatatak na sa puso at isipan niya.
Mga bagay na magpahihiwatig kay Hanna kung sino ang may gawa ng mga makikita
niya.
Tapos yayayain si
Hanna ng kanyang bestfriend para magpunta doon. Wala sa kaalaman ni Hanna, na
nandoon pala akong naghihintay sa kanya.
Pagkarating nina
Hanna sa lugar na iyon, tumambad sa mata niya yung mga larawan niyang nakadikit
sa mga puno. Nagulat, nag-isip, nagtaka; magtatanong sana siya sa bestfriend
niya nang paglingon niya, wala na pala ito sa kanyang likuran.
Sinimulan niyang
lapitan ang mga puno, pa-isa-isa niyang kinuha ang mga larawan niya. May
nakasulat kasi sa ibaba nito na gawin nya iyon at may numero ‘yong bawat
larawan, iyon ay para malaman niya kung ano dapat ang uunahin niyang kunin. Sa
huling larawan na kukunin niya, nakadakit iyon sa pinakamalaking punong-kahoy
doon. May inilagay din akong musika sa paligid ng puno na iyon, at magpe-play
ito oras na tanggalin niya ‘yong huling larawan niya na nakadikit.
Sa likod ng
malaking punong-kahoy na iyon, hindi alam ni Hanna, na nandoon pala ang isang
Ted. Oo, nandoon ako. Noong natanggal na ni Hanna ‘yong huling larawan niya,
nagsimula na ring mag-play ‘yong musika. Sinabayan ko naman iyon, dahan-dahan
akong lumabas. Pagkalabas ko, nakatalikod si Hanna dahan-dahan ko siyang
nilapitan, at gamit ang aking mga kamay, tinakpan ko ang mga mata niya, saka
ako nagsalita.
“Hulaan mo kung
sino itong nasa likuran mo.”
“Ted? Ted ikaw ba
yan?”
“Hmmm.. panno ka
nakasisiguro na ako si Ted?”
“Linya mo kaya
yung mga nakasulat sa ibaba ng mga larawan ko.”
Hindi na kami nagsayang
nang panahon pa. Humarap siya sa’kin at walang sabi-sabing niyakap ako. Parang
hindi mo iisipin na iyon ang unang pagkikita namin ni Hanna.
“Grabe ka, hindi
ka man lang nagsabi na nakauwi ka na pala. Ang dami ko kayang message sa’yo.
Nag-alala nga ako kasi hindi ka nagre-reply.”
“Sorry naman, gusto
ko lang kasing sorpresahin ka e. Gusto kong iparamdam sa’yo kung gaano ka
ka-special sa buhay ko.”
Biglang tumuntong
si Hanna sa itaas ng bangko, inabot yung kamay ko sabay sabing,
“Tumuntong ka
dito, dali… nandiyan na mga langgam.”
Napangiti na lang
ako tumuntong din sa bangko, sabay sabing.
“May sorpresa pa
pala ako sa’yo, pero pumikit ka muna,” sabay abot ng
daliri niya at inisuot yung singsing na binili ko.
“Iyan, may couple
ring na tayo. Dapat suot-suot mo iyan palagi dahil iyan ang magsisilbing ako
kapag nandoon ako sa malayo. Ingatan mo sana.”
“Wow! Ang ganda. Maraming
salamat, Ted. Oo, iingatan ko ito, tulad nang pag-iingat ko sa’yo dito sa puso
ko.”
“Mahal kita, Ted;
mahal na mahal!”
“Mas mahal kita,
Hanna; mas mahal na mahal!”
Iyan, nangyari na
yung hiling ni Hanna sa akin, noong bago pa lang kami magkakilala, na magsulat
ako ng isang kuwento na kaming dalawa ang bida. Naisulat ko na kasi may mga
nangyari na. Tulad nang nasabi ko noon kay Hanna na gusto ko, yung kuwento
namin ay ‘totoong kuwento.’
Ang akdang ito ay aking opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 6.
Sa kategoryang pagsulat ng Maikling Kuwento.
www.sba.ph |
0 comments:
Post a Comment