Photo credit: hobotraveler.com |
Minsan natutulala ako, minsan nagtatanong ang kalooban ko.
Noong una kong masilayan ang mundo, kulay luntian ang paligid ko. Ngunit bakit
habang tumatanda ako, unti-unting kumukupas ang kulay na kinagisnan ko? Bakit ganito
ang nakikita ko sa paligid ko? Bakit may gulo? Bakit may mga taong
nagaaway-away? May mga taong hindi nagkakaintindihan? Iisa lang ang lumikha sa
kanila, magkakapatid sila, ngunit bakit ganun ang tinginan nila sa bawat isa?
Oo nga’t magkakaiba ang relihiyon at paniniwala, ngunit iisa lang ang kulay ng
dugo nila. Hanggang kelan kaya sila magsasawa sa patuloy na paglalakad sa
magkahiwalay na daan? Kailan kaya magtatagpo ang landas nila, para magkamayan
at magyakapan? Kailan kaya nila maiintindihan ang tunay na kahulugan ng
salitang kapayapaan? Kapag tumigil na sa pag-ikot ang mundo at wala nang
liwanag na masisilayan?
Bakit may mga taong nahihirapan, bakit may mga taong
umiiyak at nasasaktan? Bakit minsan tila pinaglalaruan sila ng
panahon? Nagpapakapagod sila’t nagsusumikap, ngunit bakit parang walang
nagbabago sa kanilang kalagayan? Dugo at pawis nila ang tanging sandata sa
pakikipaglaban upang makamit ang kaginhawahan ngunit bakit iba ang tumatanggap
ng karangalan? Bakit kung sino pa ang matataas at malalakas, sila pa ang
mapagsamantala? Wala bang karapatan ang mga mahihirap na malasahan ang
kagihawahan? Hanggang kailan kaya sila magtitiis sa kahirapan? Kailan kaya
mabibigyan ng katuturan ang pawis at dugo nilang pinapakawalan? Siguro kapag
ang mga matataas at may kapangyarihan ay marunong nang umintindi sa mga ibig
sabihin ng bawat patak ng luha ng mga mahihirap.
Bakit din kaya may mga taong nagtitiis sa gutom at
uhaw? Iisa lang ang mundong ating kinabibilangan, ngunit bakit
hindi lahat nakakakain? Lahat ng mga pagkain sa paligid natin ay linikha ng
Maykapal para sa bawat isa pero bakit iilan lamang ang nakikinabang dito?
Kailan kaya nila matitikman ang mga may lasang pagkain? Kailan kaya sila
makakapasok sa mga restaurant? Alam kaya nila kung ano ang ibig sabihin ng
salitang “restaurant”?
Naalala ko tuloy noong nasa Pasay City, Metro Manila pa ako.
Naglalakad ako, di ko na matandaan kung saan ako pupunta noon. May
nadaanan akong dalawang bata, isang batang babae na edad lima siguro at isang
batang lalaki na edad apat kung hindi ako nagkakamali. Kasama ang kanilang ama,
kumakain sila sa tabi ng kanilang kariton na ang laman ay mga plastik at bote. Kulay
itim na ang mga damit nila na dati siguro’y kulay puti, kasing kulay ng
kanilang kariton. Madungis ang kanilang mukha at katawan dahil siguro kung saan
saan lang sila natutulog. Sa pakiramdam ko wala silang bahay na tinutuluyan.
Kung saan sila aabutan ng dilim, siguro doon na din sila nagpapalipas ng gabi.
Ang pinakamasakit para sa akin ay ang makita ang kanilang
kinakain. Tig-iisang maitim na lata sila. May laman na kanin ngunit ang hindi
makayanan ng aking damdamin ay ang makita ang kanilang inuulam. Nakalagay sa isang
lata na medyo malaki ngunit madumi ay puro kamias na may sabaw! Ulam ba yun ng
mga taong katulad nila? Napatingin sa akin yung batang babae, hindi ko
maintindihan ang aking naramdaman. Kinapa ko ang bulsa ko kung may laman, may
twenty pesos na papel. Inabot ko sa kanya, dali-dali niyang tinanggap, halos
napatakbo pa siya papalapit sa akin. Noong maabot niya ang pera,
saka tumitig sa akin. Doon hindi ko napigilan ang aking mga luha. Ang
pagtitig niya sa akin ay madaming kahulugan. Parang naririnig ko ang kanyang
mga mata na nagsasalita. Siyempre sa titig niya ay nagpapasalamat siya. Ngunit
alam kong may mas malalim pang pinapahiwatig ang mga titig niya.
Kung mayaman lang sana ako, kung may kapangyarihan
lang sana ay hindi ko hahayaan ang mga taong maging ganito. Ayaw kong
may nakikitang bata na ganito ang kalagayan sa paligid ko. Ilang taon na din
ang nakakalipas at dinala na ako ng panahon sa ibang lugar. Kumusta na kaya ang
mga batang iyon? sana nakasurvive sila. Sana may nakakita sa kanila na mabait at
tinulungan sila. Binigyan ng tirahan, damit at kabuhayan para naman maramdaman
nila ang nararamdaman ng mga taong nasa paligid nila.
Ito at ganito ang lagi kong tinatanong sa puso’t isipan
ko. Ito at ganito ang mga nagyayari sa paligid ko. Ito at ganito akong tao kaya
ako nakakapagsulat ng ganito.
Author: Iceburn
©Copyright 2012, Iceburn™ Blog. All rights reserved. Copying of any article in this blog without permission is strictly prohibited.
©Copyright 2012, Iceburn™ Blog. All rights reserved. Copying of any article in this blog without permission is strictly prohibited.
0 comments:
Post a Comment