Saturday, September 15, 2012 | By: iceburn

Single Mom Ako, Proud Ako!

(Photo credit: babygearworld.com)

PAALALA: Ang artikulong ito ay hango sa tunay na buhay ng isa sa mga naging parte ng buhay ko. Na sa ngayon ay pinaglayo na kami ng panahon. “Kung nasaan ka man ngayon, kung mababasa mo man ito, hindi ko intensiyon na saktan ka o ipaalala sa’yo ang nakaraan mo.” Maliban sa kanya, marami pa akong nakikita at nababalitaan na may pagkakatulad ng kalagayan at pinagdadaanan. Kaya naman naisipan kong isulat ito para magsilbing aral at inspirasyon para sa lahat. At bilang pagkilala na din sa katatagan at kadakilaan ng mga SINGLE MOM.

Isa ang mga SINGLE MOM sa mga itinuturing kong bayani sa panahon ngayon. Dahil sa tibay at lakas ng loob nila para ipagpatuloy at buhayin ang dinadala nila kahit wala at iniwan ng Ama. Sa kabila ng sakit at pait na dulot sa kanila ng mga lalaking mapagsamantala sa kahinaan nila, nagagawa pa rin nilang tumayo at lumaban para ipakita sa mundo na kayang-kaya nilang buhayin ang anak nila kahit wala itong ama. Hindi madali para sa isang tao na gampanan ang tungkulin ng dalawang tao. Hindi basta-basta na maging ama at ina ka para sa iyong anak. Nagsumikap magtrabaho, ang iba nangibang bansa pa. Nanilbihan sa ibang pamilya at nag-alaga ng anak ng iba para lang mabigyan ng magandang kinabukasan ang sariling anak nila. Single Mom ka ba? Saludo ako sa’yo. Isa kang dakila.

Dahil naging tanga ako sa pag-ibig, nagpaalipin ako sa isang lalaki na akala ko mahal ako, handang ipaglaban at panagutan. Ibinigay ko ang lahat dahil buong akala ko, hindi niya ako iiwan. Wala naman ako masabi sa kanya noon. Mabait siya, maalalahanin at mapagmahal. Ramdam na ramdam ko naman iyon kaya hindi ko inisip na pinapaikot niya lang pala ako. O di kaya mas nababagay na sabihin na duwag siya? Dahil hindi niya kayang pinanagutan ang bunga ng aming ginawa. Hindi lang siya ang gumusto noon at hindi lang din ako. Dalawa kami kaya dapat dalawa sana kaming haharap sa naging bunga ng kapusukan naming dalawa. Pero mula noong aminin ko sa kanya na nagdadalang tao ako, doon na siya nagsimulang lumayo sa akin.

Hindi ko maipaliwanag kung ano ang naramdaman ko noon. Hindi ko rin kasi napaghandaan ang mga pangyayaring ganon. Para akong aso na hahabol-habol sa amo kahit na hindi ako tinatawag at pinapansin. Ako pa ang nagmamakaawa at umiiyak na huwag niya akong iiwan. Labis akong umiyak sa sakit at nasampal-sampal ko siya sa galit dahil sinabi niyang, “baka naman hindi kanya ang dinadala ko.” Hindi ako puta para magpagamit sa ibat-ibang lalaki gaya ng iniisip niya! Ang sakit-sakit ng ginawa niya, ang sakit-sakit pa ng mga sinasabi niya! Parang ako pa ang sinisisi niya gayong ako na nga itong kawawa. Halos maubusan na ako ng lakas noon. Nanghina talaga ako, lalo na noong sinabi niyang, “ipalaglag ko na lang daw.” Hindi ko napigilan ang sarili ko at namura ko siya! Hindi ako ganon kasama para patayin ko ang sarili kong dugo!

Sinabi ko na lang sa kanya habang umiiyak na kayang-kaya kong buhayin ang anak ko kahit wala siya. Pinairal ko ang pride ko. Ang masakit nga lang, para siyang bato. Na kahit durugin mo na siya, hindi ka pa rin mararamdaan. Para lang siyang poste na nakatayo at hindi gumagalaw.  Hindi man lang magawang patahanin ako. Sinabi ko sa kanya na hindi ko na siya aasahan. Na kaya kong palakihin ang anak ko na wala siya. Pinakita ko sa kanya na malakas ako. Na kayang kaya ko. Kahit na umiiyak at nagmamakaawa ang kalooban ko na sana, tulungan niya ako. Na sana huwag niya akong iiwan at ng magiging anak namin.

Nagresigned ako sa trabaho ko noon. At umalis ako sa amin. Kung saan-saan ako nakarating. Kung kani-kanino ako nakituloy. Mabuti na lang may mga mababait akong kaibigan. At naiintindihan nila ang aking kalagayan. Ayaw ko kasing manatili sa amin. Ayaw kong makita ng mga tao doon ang paglaki ng tiyan ko na wala naman ako maipapakitang ama nito.

Hindi ko nga matandaan kung may pinaglihian ako noon. Kasi wala akong mautusan na kumuha o bumili ng mga gusto kong kakainin. Papakiusapan ko mga pinsan ko sasabihin pa, “nasaan ba kasi ang asawa mo, bakit hindi siya ang utusan mo.” ang sakit-sakit diba? Noong hindi ko na talaga kaya at malapit na akong manganak, umuwi ako sa amin.

Dumating ang araw na manganganak na ako. Pumunta ang ama ng isisilang ko dahil sinabihan siya ng Papa ko na papatayin siya kung hindi siya pupunta. Para maipangalan sa kanya ang bata. Kung hindi pa siya tatakutin hindi pa pupunta. Napakasama talaga ng ugali niya.

Isinilang ko nga ang isang sanggol na babae. Kahit papano nawala yung sakit na nararamdaman ko noong narinig ko na ang iyak ng anak ko. Lalo na noong ipinakarga sa akin ng Midwife. Lalo akong natuwa noong makita ko na kamukha ko siya. Itsura ko lahat ang nakuha niya.

Wala na akong pera noon dahil nga nagresigned na ako sa trabaho. Para akong bata na nanghihingi ng pera sa mga magulang ko, sa mga tito at tita ko. Para lang may maipambili ako ng gatas ng anak ko. Wala ako ibang aasahan kundi ang kaunting maibibigay nila. Dahil wala naman trabaho ang Papa ko. At mahirap lang ang mayroong buhay kami.

Hanggang sa mabalitaan ko na lang na may iba na pala ang ama ng anak ko. At sila na pala mula pa noong maliit pa ang tiyan ko. Gusto ng magulang ko na ipakasal ako sa kanya. Pero ako na mismo ang tumanggi. Ayaw ko kasi na pakakasalan niya lang ako dahil pinuwersa siya. Gusto ko mahal ako ng taong pakakasal sa akin. At kung mahal niya ako, sana hindi niya ginawa sa’kin ang ganito. Sana hindi niya ako pinabayaan. Sana hindi niya ako iniwan at tinalikuran.

Kasabay ng paglaki ng anak ko ang paglimot ko sa ama niya. Lagi ko kinakausap ang anak ko kahit hindi niya ako naiintindihan. Na ako lang ang magulang niya. Na wala siyang ama. Na iniwan na kami. Kasabay non ng pagtulo ng luha ko habang nakatitig siya. Tapos bigla siyang yayakap sa akin. Iyon ang pumupunas ng galit at sakit na nararamdaman ko sa ginawa sa amin ng ama niya.

Dumating ang araw na hindi ko inaasahan. Nagkasakit ang anak ko. Halos mabaliw ako sa iyak at pag-aalala sa kanya. Nagkataon kasi na walang-wala ako noon at wala din ako mahihingian. Hinang-hina na ako noon. Gusto ko nang sumuko. Mabuti na lang mabait yong hospital na malapit sa amin. Tinanggap at ginamot nila ang anak ko kahit wala kaming pambayad.

Palagi ko siyang pinapasyal noon sa mga Park. Palagi din kaming nagsisimba. Ang masakit nga lang para sa akin, ay kapag nakakakita siya ng kapwa niya bata na karga-karga ng aman niya. Napapatitig siya sa akin na parang nagtatanong. Napapaluha na lang ako sa harapan niya. Yayakap naman yan sa akin na parang alam niya ang nararamdaman ko.

Noong mag-iisang taon na siya, nag-apply ako papuntang abroad. Iyon lang kasi ang naisip kong pinakamadaling paraan para mabigyan ng magandang kinabukasan ang anak ko. Masakit na iwanan siya sa ganong kamurang edad pero mas masakit na kasama ko nga siya wala naman ako maipambibili ng gatas at gamot man lang niya.

Isang taon at isang buwan na siya noong aalis na ako. Nagsisimula pa lang siyang magsalita noon. At “mama” pa lang ang alam niyang sabihin. Iyak ako ng iyak noong magpapaalam na ako. Napakahigpit kasi ng yakap niya na tila ba alam niyang aalis na ako at hindi kami magkikita ng matagal. Napakahirap para sa isang ina na iwanan ang anak mong ganon kamura ang edad. Napakasakit isipin na lalaki at magkakamalay siya na wala ako sa tabi niya. Alam ng Diyos na para sa kanya ang pag-alis ko noon. At alam kong hindi Niya kami papabayaan kahit na magkalayo kaming mag-ina.

Tumagal nga ako ng dalawang taon sa Singapore. At ganon katagal ang pagtitiis at pangungulila ko sa anak ko. Kahit paano, malaki ang naitulong ng pag-alis ko para sa pambili ng gatas at damit niya at mga iba pang kakailanganin niya. May naipon din ako kaunti kaya napagpasiyahan kong umuwi na para makapiling na siya. At magabayan sa paglaki niya.

Ibang sakit na naman ang naramdaman ko noong nakauwi na ako. Dahil hindi ako kilala ng anak ko bilang Ina niyang totoo. Mama ko ang tinatawag niya ng “mama”. At siya ang mas gusto niyang makatabi sa pagtulog. Isang buwan din bago ko nakuha ang loob niya. Tinatawag na niya akong mama ngayon. Nag-aaral na din siya. Mabait at matalinong bata ang anak ko. Nakahanap na din ako ng magandang trabaho dito sa Pinas. Hindi ko na muling iiwan ang anak ko. Papanoorin ko na ang pag-laki niya. Siya ang nagbibigay ng lakas ko. Siya ang nagpupuno ng kakulangan ng Ama niya. Siya ang buhay ko.

©Copyright 2012, Iceburn™ Blog. All rights reserved. Copying of any article in this blog without permission is strictly prohibited.

0 comments:

Post a Comment