Friday, July 13, 2012 | By: iceburn

Patawad.. Dahil Naging Mahina Ako


Photo credit: heroineoftomorrow.wordpress.com

Sa pag-ibig walang taong perpekto. Lahat nagkakamali. Gaano man kasakit o kapait ang sinapit natin sa pag-ibig, matuto tayong humingi ng tawad at magpatawad.

Noong makilala kita kita akala ko ikaw na. Noong maging tayo akala ko habang buhay na. Noong magkasama tayo akala ko hindi natayo magkakahiwalay pa. Ang lahat ng iyon pala ay puro lang akala. Minsan tinatanong ko sa sarili ko bakit ganoon. Bakit nangyayari ang mga bagay-bagay na hindi mo ginusto. Bakit nangyayari ang mga bagay-bagay na hindi mo inaasahan. Sabi nila lahat daw ng nangyayari sa buhay natin ay may dahilan. Siguro ganoon nga tayo. Siguro may mga dahilan nga kung bakit tayo nagkaganito.

Wala namang mali eh. Wala ka namang pagkukulang. Wala ka naman kasalanan. Ako lang talaga yong nagloko. Ako lang talaga ang naging masama sa ating dalawa. Ako yong gumawa ng mali, ako yung hindi naging tapat sa’yo. Bakit ko nga ba nagawa yon? Hindi ko alam. Tao lang ako na may kahinaan sa mga bagay-bagay na hindi naman dapat mangyari. Tao lang ako na may puso na hindi marunong umiwas sa tukso.

Akala ko kasi noon ganoon lang kadali ang lahat. Akala ko madali lang magloko. Akala ko ganoong lang kasimple ang lukuhin ka, pero hindi eh. Akala ko kasi hindi mo malalaman ang ginagawa ko. Akala ko kasi magaling ako maglihim, hindi pala. Kahit pala gaano ka kagaling magtago, makikita’t makikita parin ang maling ginagawa mo.

Siguro naman hindi ko kasalanan na kulitin ako ng isang pusong pasaway. Ginawa ko naman iwasan. Sinubukan ko namang labanan. Pero hindi ko nakayanan. Kasalanan ko ba kung bumabagsak din ako sa aking kahinaan? Masisisi mo ba ang puso ko kung nagawa nitong magmahal ng iba habang mayroon pa itong laman?

Ako man ang nagloko at gumawa ng mali, hindi naging madali para sakin ang lahat ng ito. Dahil habang gumagawa ako ng kalokohan, iniisip ko din na ikaw ay aking nasasaktan. Na habang nagpapakasaya ako sa iba, nalulungkot din akong lihim na nasasaktan kita. Na habang abala ako sa iba, nawawalan na ako ng panahaon na kumustahin ka. Kung okay ka lang ba at sabihing “mahal na mahal kita, ingat ka palagi”.

Hindi ganoon kadali ang makagawa ng mali ng hindi mo inaasahan. Wala naman talaga ako balak na ikaw ay aking saktan. Malupit lang kasi talaga ang panahon at nagawa akong tuksuin. Siguro pagsubok lang yon sa akin. Ang masama nga lang ang pagsubok na iyon ang nagpabagsak sa pagkamatapatin ko sa’yo. Hindi naman kasi ako yong manhid na tao. Para hindi maramdaman at hindi pahalagahan ang nararamdaman ng isang tao. Ang mali ko lang talaga nagpabihag ako sa pagmamahal na laging nakikita ko habang ikaw ay malayo sa piling ko. Ang nasa isip ko kasi noon, hindi mo naman malalaman ang lahat ng ito. Akala ko kasi mananatiling lihim ang lahat ng ginagawa ko. Mali pala dahil kahit anong ingat mo at higpit ng pagkakahawak sa lihim mong dala-dala, darating din pala ang araw na mapapagod ka, papawisan ang palad mo at ito ay iyong mabibitawan.

Ramdam ko kung gaano kasakit ang naramdaman mo noong mga oras na nalaman mo ang kalokohan ko. Gusto kitang yakapin at mag-sorry kaya lang napakalayo ko. Gusto kong bawiin ang pagkakamali ko pero huli na at nalaman mo na ito. Kahit nasa harapan ako ng maraming tao, hindi ko napigilan ang pagtulo ng mga luha ko habang binabasa ang mensahe mo. Puno ng galit, lungkot at pagkakabigla dahil sa nalaman mo. Ramdam ko kung gaano kita nasasaktan. Ramdam ko kung paano mo nilalabanan ang sakit at pait na dulot ko. At iyon ang unti-unting umuubos ng lakas ko. Kilala kita at mata palang malalaman ko na kung nasasaktan ka. Alam kong hindi sapat ang “sorry” pero iyon lang ang salitang kaya kong sabihin sa’yo sa mga sandaling iyon. Nagsisi ako pero huli na at hindi ko na mababawi pa.

Sa araw din na iyon pinalaya mo ako. Napakadali mo lang sinabi sa’kin yon pero alam ko kasabay non ng pagtulo ng luha mo. Sana nasa tabi mo man lang ako noon para mapunasan ko man lang ang mga luha mo kahit na alam kong hindi ko na mapapawi ang sakit nararamdaman mo. Gusto kitang alalayan noon kahit na alam kong hindi maibabalik pa sa dati ang tiwala mo.

Nangyari ang bagay na hindi ko inaasahan. Hindi ko man lang napaghandaan. Hindi ko rin maintindihan ang aking sarili noon. Kung bakit hindi man lang kita pinigilan at ayusin kung ano man mayroon tayo. Hindi ko man lang sinubukan kung matatanggap mo pa ako ulit. Siguro mayroon ding bagay na pumipigil sa akin para gawin iyon. At hindi ko iyon alam. Hindi ko alam kung ano, hindi ko alam kung bakit.

Ganoon pa man pinilit kong maging maayos sa atin ang lahat. Gusto ko maging magkaibigan parin tayo. At magdamayan sa mga oras ng kalungkutan at kagipitan ng bawat isa. Kinukumusta parin kita at sumasagot ka naman. Masaya ako kahit paano dahil alam kong nariyan ka parin sa kabila ng mga nagawa ko sa’yo. Kaya lang parang unti-unting nagbabago ang lahat. Ramdam ko ngayon na nawala na kita. Hindi na kita maabot. Ang layo-layo mo na. Kinalimutan mo na ako ng tuluyan. Masakit para sakin kasi kailan man hindi nawala ang pagmamahal ko sa’yo. May mga pagkakataon parin na naaalala kita. Namimiss at binabalikan ang mra masasayang araw nating dalawa. Napapaluha, nasasaktan, nagsisisi at nagtatanong parin ako hanggang ngayon.

Siguro nga talagang hanggang dito lang tayo. Siguro ganito lang katagal ang panahong itinakda para sa ating dalawa. Siguro nga hindi tayo para sa isa’t isa. Pero masakit eh. Masakit na hindi mo makakatuluyan ang taong kasama mong bumuo ng mga pangarap. Masakit isipin na paghihihiwalayin kayo sa oras kung kailan mahal na mahal niyo na ang isa’t-isa. Masakit ang masaktan pero kung totoo kang magmahal mas masakit kung ikaw ang dahilan na may nasasaktan. Dahil hindi mo naman iyon ginusto eh. May mga bagay lang talaga na may hangganan. Na kahit ayaw mong mangyari, dumarating talaga iyan kapag oras na nito. At wala kang magagawa kundi tanggapin nalang. Balang araw lilipas din ang lahat ng iyan.

Alam kong humingi na ako sa’yo ng tawad, pero gagawin ko ulit sa’yo. Patawarin mo ako kung nasaktan kita. Patawarin mo ako kung tumingin ako sa iba. Patawarin mo ako kung naging mahina ako. Patawarin mo ako kung pinaiyak at sinaktan kita. Patawarin mo ako kung sinira ko ang mga pangarap nating dalawa. Patawarin mo ako kung hindi ko magawang limutin ka. Dahil hanggang ngayon mahal na mahal pa rin kita. Ingat ka lagi, ingatan mo ang sarili mo dahil wala na ako para ingatan ka. Patawad. Paalam.
Lahat tayo ay may karapatang magbasa pero walang karapatang manghusga.

author: iceburn

©Copyright 2012, Iceburn™ Blog. All rights reserved. Copying of any article in this blog without permission is strictly prohibited.

http://definitelyfilipino.com/blog/2012/03/23/patawad-dahil-naging-mahina-ako/

0 comments:

Post a Comment