Photo credit: indyeahforever.wordpress.com |
Nang makilala kita, nakilala ko din siya. Sa kanya ako unang
nagkagusto bago nahulog ang loob ko sa’yo. Kapag kausap kita, kausap ko din
siya. Kung ano ang mga sinasabi ko sa’yo, iyon din ang mga naririnig niya mula
sa mga bibig ko. Hindi ko alam kung sino sa inyo ang mas matimbang pero ang
nasisiguro ko, mahal ko kayong pareho. Kaya naman noong araw na naging tayo ay
sinagot din niya ako. Ang saya-saya ko sa araw na iyon. Napatunayan ko sa
sarili ko na kaya ko pa lang magmahal ng dalawa.
Pero hindi pala ganoon kadali yon. Dahil makikita mo sa mata
ng ibang tao na parang tutol sila sa nakikita nila sa’yo. Hindi ko alam kung
ano ang sinasabi ng iba. Maaring ibaba nila ng tingin ang pagkatao ko pero wala
akong paki-alam dahil hindi nila nararamdaman ang nararamdaman ko. Hindi nila
naibibigay ang sayang ibinibigay ng dalawang mahal ko. Hindi rin ako sigurado
sa sasabihin ng mga kaibigan ko. Baka dahil doon iiwasan nila ako. Ganoon din
ang mga kapatid ko, lalo na ang mga magulang ko. Lumaki ako sa kanila at alam
ko ang kahinaan nila. Siguro kapag nalaman nila ipagtatabuyan ako. Kakalimutang
parte ako ng buhay nila. Ang sakit isipin na ganoon ang posibleng mangyari sa
buhay ko. Pero hindi ako natatakot kahit anung mangyari. Dahil alam kong walang
masama sa ginagawa ko. May puso ako at nagmamahal din. Iyon nga lang sa
dalawang babae.
Naisip ko na ang iba pero paano ka naman kapag nalaman mo.
Na hindi lang pala ikaw ang mahal ko. Dalawa kayong nag-mamayari ng puso ko. At
wala ako balak na iwanan ang isa sa inyo. Dahil pinangako ko sa sarili ko na
mamahalin ko kayong pareho habang buhay. Parang hindi ako buo kapag mawawala
ang isa sa inyo. Ano kaya ang gagawin mo. Ano kaya ang mararamdaman mo ngayong
alam mo na ito.
Magtatampo o magagalit ka ba sa nalaman mo? Mawawalan ka na
ba ng tiwala at pagmamahal sa akin? Masisira ba ang pinagsamahan natin ng
matagal dahil sa inamin ko sa’yo? Masasaktan ka ba, iiyak dahil nilihim ko
sa’yo ng matagal? Iisipin mo bang niloko kita at pinaniwalang ikaw lang ang
mahal ko? Hindi mo ba matatanggap na may kahati ka sa puso ko? Magpaparaya ka
ba? Iiwanan mo na ba ako dahil nagmahal ako ng dalawa? Iiwanan mo na ba ako
dahil minahal ko kayo ng ANAK MO?
author: iceburn
©Copyright 2012, Iceburn™ Blog. All rights reserved. Copying of any article in this blog without permission is strictly prohibited.
©Copyright 2012, Iceburn™ Blog. All rights reserved. Copying of any article in this blog without permission is strictly prohibited.
0 comments:
Post a Comment