Sunday, January 11, 2015 | By: iceburn

From Manila To Dubai

Noong nasa Pasay City pa ako at nag-aaral sa isang unibersidad doon, tumira ako sa Villamor. 14th – 31st ang street kung hindi ako nagkakamali. Hindi ako taga roon talaga. Nangungupaan lang ako. Kapag pumapasok ako sa school, nakaiilang sakay ako. Dalawang beses sa tricycle at isang beses sa jeepney ang papunta. Ganoon din ang pauwi.

Bago ako makakarating sa sakayan ng jeepney, may lalakarin pa ako. Ang tricycle kasi noon ay hanggang sa tapat ng Five Star Bus Station, kung pamilyar kayo sa lugar na iyon. Tapos lalakarin ko na at tatawid ako papunta sa may Metropoint Mall. Doon ako mag-aabang ng sakayan papuntang school.

Pero kung mamamasyal naman ako sa Quezon City o ‘di kaya’y sa Makati. May mga kamag-anak kasi ako doon. O ‘di kaya kapag nagpapasundo yung dating naging ka-ibigan ko na nag-aaral noon sa SACI, madalas nag-e-MRT ako o ‘di kaya’y LRT. Sa train kasi, walang traffic. Siksikan nga lang.

Pero bago ako makararating sa LRT, MRT Station o sa sakayan ng jeepney, marami pang kaganapan ang mangyayari sa aking dadaanan patungo doon. Sa nilalakad ko na yun mula sa babaan ng tricycle, marami kang matutunghayan.

Kapag umaga ka dadaan doon, medyo tahimik pa ang lugar na iyon. Pero kapag tanghali na, ito ang mga makikita at maririnig mo.

“Yung kuwintas ko! Yung Kuwintas ko!”
“Yung bag ko! Yung bag ko!”
“Snatcher! Snatcher!”

Isang tanghali, naglalakad ako doon. Kitang-kita talaga ng dalawang mata ko kung paano hinablot ng isang mama yung suot-suot na kwintas ng isang babae. Tapos pasimple lang yung snatcher na naglakad sa tabi ng kalsada. Parang wala siyang kinalaman sa nangyari. Yung babae sigaw na nang sigaw at nagpapatulong. Wala man lang pumansin sa kanya. Hindi ko rin siya nagawang tulungan kasi nag-aalangan din ako. Baka may dalang patalim yung mandurokot na iyon.

Ganoon ba katalino ang ibang Pinoy? Ginagamit ang galing sa hindi naman tamang gawa. Kailangan pang magnakaw para lang kumita at may pangkain sila. Samantalang kung tinitignan ko ang lakas-lakas pa ng katawan nila. At kung gugustuhin nila, kayang-kaya nilang kumita ng pera sa mabuting pamamaraan. Pinapairal nila ang katamaran. Ginagamit ang utak ngunit sa masamang gawain naman!

Kapag inabutan ka naman ng gabi o kahit takipsilim pa lang. At mapadaan ka sa lugar na iyon. No choice ka kasi wala namang ibang daanan doon. Ito naman ang mga maririnig mo.

“Babae, sir? Babae, sir?”
“Batang-bata! Batang-bata!”
“300 lang! 300 lang!”
“Gusto mo yung anak ko sir? Mura lang!”

Akala mo kung tataya sila ng lotto na nakapila doon. Iyon pala, naghihintay sila ng customer nila. Teka, customer ba talaga ang tawag dun o biktima? Biktima ng makasalanang kamunduhan. At hindi ka na halos makadaan doon kasi tinatambayan iyon ng mga babaeng pokpok, kung tawagin nila.

Nakaiinis na nakatatawa pa ang mga itsura nila. Punong-puno ng make-up ang mukha nila. Pero ang mga kuko sa paa ang iitim naman. Mayroon pang kulubot na ang balat, nasa sisenta na yata rumarampa pa! Mayroon namang sobrang bata pa. At ibinubugaw yata ng mismong ina! Haaay… buhay nga naman.

Naisip ko lang, iyon na ba ang pinakamadaling paraan nila para kumita ng pera? Kailangan pang babuyin ang pagkatao nila para lang may pangkain sila? Ganoon na ba kababa ang tingin ng mga babaeng iyon sa sarili nila? Dinudumihan nila ang pangalan ng ating sariling bansa. Napakawalanghiyang ina ang ibugaw ang kanyang sariling anak. Ginawa nang puhunan ang anak niya, hindi na nahiya!

Eto pa, isang araw, pauwi na ako noon. Dahil gutom na gutom na ako, kumain ako sa Jollibee. Doon sa may tapat ng 7’11. At tapat din mismo ng Taft Ave. Station ng MRT. Umorder ako ng 2 pcs. chicken with regular drinks at isang extra rice.

Habang kumakain ako at isinisubo yung chicken joy, mayroong isang bata na madungis ang itsura. Nakatayo siya sa tapat ko, pero nasa labas siya. Pinapanood niya akong kumakain. Salamin kasi yun kaya kitang-kita ko. Talagang binantayan niya ako hanggang matapos ako.

Bago ako lumabas, umorder ulit ako ng 1 pc chicken saka champ burger for take out. Saka ko nilapitan ang bata na iyon at inabot sa kanya kasama ang 50 pesos na papel. “Hello, boy kumain ka na ba? Heto oh binili ko, para sa ’yo.” Inabot naman niya. Hindi siya nagsalita. Pero tumitig siya sa’kin at nabasa ko sa kanyang mga mata na nagpapasalamat siya.

Bigla kong narinig na nagsalita ang isang ale na may maliit na pwesto sa may tabi. Ang sabi niya, bakit ko daw binigyan yung bata? Baka daw sindikato yun. Nasabi ko na lang sa loob-loob ko. “Ano ba ang pakialam mo, hindi mo naman pera ang ipinambili at ibinigay ko.”

Hindi ko na lang siya pinansin at naglakad na lang ako patungo sa sakayan ng tricycle. Kapag pala ganoon na lahat ng isip ng tao, wala na palang gustong tumulong. Kawawa naman pala yung mga batang nagugutom dahil walang pangkain. Kasi iba na ang tingin sa kanila ng mga tao.

Isa pang umaagaw ng pansin ko ay yung mga may kapansanan at mga batang walang damit. Na nandoon sa may hagdanan papunta sa MRT station. Mayroon silang baso na plastic at laging nanghihingi ng limos. Ang ipinagtataka ko at hanggang ngayon ay nananatiling bugtong sa isipan ko. Bakit at paano  nakakapunta doon yung mga taong hindi naman nakakalakad? Siyempre, may nagdadala sa kanila doon. Pero sino? Isa kaya itong sindikato o ano? Ewan ko.

Ngayon, nasa ibang bansa ako. Isa akong OFW at mag-aapat na taon na din ako dito. Isisingit ko na din ang mga nakikita ko dito. Noong nakaraang day-off ko, namasyal ako sa isang mall. Kahit wala naman akong bibilhin, di ba tayong mga pinoy mahilig sa tingin-tingin o window shopping.

Naglibot nga ako sa mall na iyon. Napakaraming bata doon. At ang mapapansin mo talaga sa mga batang yun ay yung hawak-hawak at pinaglalaruan nila. Tunay na IPAD 2, IPAD 3 at Iphone 4S ang ginagawang TOY nila. Napapatingin ako sa hawak-hawak kong ceplhone na natutuklap na ang balat sa kalumaan. Ang suwerte naman ng mga bata na ito, nasabi ko sa sarili ko.

Kapag nananatili naman ako sa bahay, computer naman ang kaharap ko. Nanonood o ‘di kaya’y nag-iinternet ako. Palagi akong may napapanood at may mga nakikita at nababasa sa mga social networks na tungkol sa mga mahihirap na taga-Africa. Mga tao doon na walang makain. Mga bata na buto’t balat na dahil wala naman silang makuhang  gatas mula sa kanilang ina. Na wala nang ibang malaki sa parte ng katawan nila kundi ang kanilang tiyan. Mga batang hubo’t hubad. Mga batang nagtitiis sa init at lamig. Mga batang nagtitiis sa uhaw at gutom.

Samantalang dito sa bansang kinaroroonan ko ngayon, araw-araw ay nagtatapon sila ng ilang toneladang tira at sobrang pagkain mula sa mga Hotels at Restaurants dito. Mahigpit kasi dito. Lalo na marami ang nagiging kaso dito ng food poisoning. Nanghihinayang lang kasi ako sa mga itinatapon nila araw-araw. Puwede naman  nilang tantiyahin yung mga iluluto nila nang sa gayon hindi marami ang mapapatapon lang kapag hindi naubos. Para yung mga halaga ng sobrang itinatapon nila ay itulong na lang sana sa mga nangangailangan.

Sadya nga bang ganito ang mundo? Hindi pantay-pantay ang kalagayan ng mga tao. Mayroong kinukulang sa pangangailangan. Mayroon din namang  umaapaw sa kasaganaan.

Alam kong hindi lang sa mga lugar na binanggit ko nangyayari ang ganito. Mas pinili ko lang banggitin ang mga lugar kung saan nakita ng dalawang mata ko ang mga pangyayaring na sa loob ng kuwento kong ito.

0 comments:

Post a Comment