Monday, November 10, 2014 | By: iceburn

Bayani ang Tatay Ko!

Ang kuwentong ito ay batay sa tunay na pangyayari, sa buhay ng hindi malayong kamag-anak ko. Ang ugali nong “anak” na nasa kuwentong ito ay hindi niya pag-uugali sa totoong buhay. Ginawa ko lang na ganon ang pagkatao niya dito, para  mas maraming aral ang mapupulot ng sino mang makababasa nito.

*****

Isa akong pasaway na anak. Laging wala sa bahay. Laging umaalis na hindi nagpapaalam sa aking Tatay at Nanay. Kilala ako sa aming lugar, dahil na din sa kalokohan ko. Laging kinakausap ng mga opisyales ng aming baryo ang Tatay ko dahil sa katarantadohang ginagawa o kinasasangkutan ko.

Ilang beses din na pinapatawag ang mga magulang ko ng aming Dean noong nag-aaral pa ako. Hindi rin ako nakapagtapos dahil pag pumapasok ako, sa bahay ng barkada ako dumideretso hindi sa eskuwela. Kung bibilangin ko, mas ginugugol ko pa ang aking oras kasama ang aking barkada kaysa kasama ang aking pamilya buhat pa nang ako ay nagbibinata na.

Palagi akong pinagsasabihan ng Tatay ko sa tuwing umuuwi ako. Lagi niyang sinasabi na sana pakinggan ko siya dahil para sa ikabubuti ko din ang mga sinasabi niya. Totoo naman lahat ng mga pangaral niya kaya lang ayaw ko siyang pakinggan talaga. Magtutulog-tulugan na ako sa tuwing maguumpisa siyang magsalita. Minsan pa naiinis ako sa kanya at nagagawa kong sagutin sa tuwing itinatama niya ang mga mali ko.

Isang umaga pagkagising ko, nakita ko ang aking Ama na abala sa paghahanda. Kaarawan niya kasi noon at darating ang mga kaibigan niya at kamag-anak namin. Hindi ko siya pinansin. Hindi ko alam kung bakit ganun ang inasal ko noon. Ni hindi ko man lang nagawa na batiin siya ng “maligayang kaarawan.”

Agad-agad akong naligo at nagbihis saka umalis. Ayaw ko kasi na manatili sa bahay at baka utusan pa ako ng aking Tatay. Pumunta ako sa bahay ng isa kong barkada. Doon kasi ang tagpuan naming lahat na magbabarkada. Inuman, yosi, manood ng movie at mamasyal sa bahay ng mga nililigawan namin. Minsan din nasa plaza kami, naglalaro ng basketball. O di kaya dumadayo kami sa ibang baryo para makipaglaro ng may pustahan. Iba-ibang trip ang ginagawa namin.

Masaya ako sa piling ng aking mga barkada. Hindi ako nakakaramdam ng lungkot at walang problema kapag kasama ko sila. Buo ang araw ko kapag sila ang aking kasama. Sa kalokohan man o katinuhan lahat kami ay nagkakaisa.

Mga alas-diyes ng umaga yun at siguradong nag-uumpisa na ang inuman sa bahay. Nagkakatuwaan naman kami sa kuwentuhan ng aming karanasan, kalokohan man o kahihiyan. Walang tigil na tawanan, hiyawan at kantsawan. Ang iingay naming lahat. Hindi mo na halos marinig ang mga sinasabi ng bawat isa. Walang gustong magpatalo. Lahat ay ganado. Huling ingay ng barkada na hanggang ngayon sa isip ko nakatatak.

Akala ko maingay na ang barkada. May mas maingay pa pala sa amin. Isang malakas na pagsabog ang nagpatigil sa aming kaingayan. Nabigla ang lahat sabay tanong ng isa, “ano yun?!” Bigla naman ako kinabahan, hindi ko alam kung bakit. Lumabas kami ng bahay ng barkada ko. Sa bilis ng pangyayari, ganun din kabilis ang takbo ng balita.

Kapatid ng barkada ko ang tumatakbo parating. “Si John anjan ba? Umuwi ka na dali!! Ang Tatay mo.” Pagkadinig ko palang yun tumalon na ako mula sa terrace ng barkada ko. Tumakbo ako pauwi. “Bakit kaya Diyos ko, ano kaya ang nangyari?” yan ang tanong sa aking isipan habang tumatakbo ako.

Bago pa ako makarating sa aming bahay, isang ambulansya na matulin ang takbo ang nasalubong ko sa daan. Dumiretso ako sa bahay at naabutan ko doon ang aking pinsan. At mga kapit bahay na natutulala pa rin sa nangyari.

“Ang Tatay mo, sinabugan ng granada” nanginginig na sabi ng pinsan ko. Pati si Jun-jun (pamangkin namin) tinalsikan din sa paa. Tumakbo ulit ako papunta sa sakayan patungong bayan. Sumunod ako sa hospital.

Naabutan ko ang Tatay ko sa pagamutan. Pero hindi ko na siya naabutang buhay. Lumuhod ako at yinakap ang bangkay niya. Walang tigil ang pagtulo ng luha ko. Pinagsisisihan ko ang mga kalokohan na nagawa ko. Ang pagiging pasaway na anak niya. Noon ko nakita at napatunayan lahat kung gaano ako kasamang anak. Doon ko naisip ang halaga niya bilang Ama ko. Noon ko napatunayan kung gaano siya kabuting Ama, Asawa, Kamag-anak at Kaibigan. Dahil isinakripisyo niya ang sarili at buhay niya para lang walang ibang madadamay at masasaktan.

Inaayos niya pala ang mga kalat sa salas namin noong araw na yun. Nang hindi niya sinasadyang maatrasan ang isang kabinet kung saan nakapatong doon ang isang granada. Sa lakas ng pagkakabangga niya, gumulong ang granada at nahulog sa sahig. Sa lakas ng pagkakabagsak ng granada sa semento, aksidenteng natanggal ang pin nito. Kaya noong makita ng Tatay ko, agad niya itong nilukuban. Dahil ang mga pinsan ko, pamangkin, iba pang kamag-anak at bisita niya na karamihan mga bata ay nasa terrace namin. Kaya para walang ibang masasaktan, inangkin niya lahat ng sakit. Hinayaan niyang sumabog ang granada sa kanyang tiyan.Natalsikan lang kunti sa paa ang isa kong pamangkin. At bukod sa kanya at ng Tatay ko, wala ng ibang nasugatan.

Bayani ang tatay ko. Matapang at hindi makasarili. Kinalimutan niya ang kanyang sarili para lang mabigyan ng pagkakataon ang mga bata na mabuhay at tumagal pa dito sa ibabaw ng mundo. Dakila siyang Ama hindi lang sa paningin ko, kundi sa paningin din ng ibang tao lalo na sa mga naroroon noong naganap ang pangyayari.

Kung bakit siya may granada? May kaibigan siyang Sundalo, bigay siguro sa kanya. Ganyan siya kabuting Ama, Asawa, Kamag-anak at Kaibigan. Isinugal niya ang buhay niya alang-ala lang sa buhay ng mas maraming tao.

Sana nga lang naiparamdam ko sa kanya na nakikita ko ang kabutihan niya noong nabubuhay pa siya. Pero huli na at wala na siya. Paulit-ulit ko mang pagsisihan ang mga nagawa kong hindi maganda, hindi na niya ito mararamdaman pa. Lumuhod man ako at humingi ng kapatawaran niya, hindi na niya ako makikita at maririnig pa.

*****

“Walang ama o magulang ang hindi nagmamahal sa anak. Kahit gaano ka pa kapasaway. Kahit gaano ka pa kaloko. Kahit gaano ka pa kasamang anak. Anak ka parin para sa iyong ama o magulang. Kaya habang nabubuhay pa sila, ipadama natin sa kanila ang kahalagahan nila sa atin. Ipadama natin na mahal natin sila. Na sila ay ating mga magulang. Dahil hindi natin alam, baka bigla na lang natin sila mawawala.”

Iwasan din nating maglagay ng mga bagay na sumsabog sa loob ng ating bahay. Mag-iingat sa lahat ng ating ginagawa. At kung saan man magpunta. Dahil kaya tinawag na “aksidente” ang isang aksidente kasi hindi natin iyon inaasahan na mangyayari.



0 comments:

Post a Comment