![]() |
Photo credit: intelligentwomenreadromance.wordpress.com |
Ipinanganak akong may pusong maawain at mapag-malasakit sa
kapwa. Biniyayaan ng dalawang mapupungay na mata na laging nagpapahalaga sa
kanyang mga nakikita. Pinagkalooban ng damdaming magaan para sa kalagayan ng
iba. At dalawang tainga na malakas ang pandinig kapag may kailangan ka. Gamit
ang dalawang kamay ko, ibibigay at gagawin ko iyon basta aking makakaya.
Ako yung tipo ng lalaki na mas malapit sa mga babaeng
sugatan ang puso at iniwan ng mga mahal nila. Hindi naman sa pagsasamantala sa
kanila pero gusto ko lang talaga sila alalayan dahil malapit ang puso ko sa mga
babaeng iniiwan at nasasaktan. Na kapag nalulungkot sila, nandito lang ako
lagi. Hindi ko man kaya na sila ay pasayahin, kaya ko naman sigurong
pakinggan at intindihin ang bawat kuwento at sakit na nararamdaman nila.
Kaya lang minsan umiiral din ang pagkamahiyain ko sa babae.
Lalo na kung siya ay aking kursunada. Mapalapit lang sa kanya ako’y namumula
na. Nabubulol at nanginginig habang kausap siya. At hindi ko kayang
makipagtitigan o sumulyap man lang sa kanyang mukha.
Nag-iisa akong pagala-gala noon. Palakad-lakad, kung
saan-saan nakakarating. Kasi walang eksatong destinasyon ang aking mga paa.
Parang sumasabay lang sa sayaw ng hangin. Hanggang sa madaanan kitang nakaupo.
Malungkot at malayo ang tingin. Huminga ako ng malalim saka kita nilapitan.
Tinanong kita, “Miss okay ka lang, may problema
ka ba?”
Ngumiti ka lang sa akin saka ka umiling. Para akong hinihila
ng napipilitan mong pag-ngiti para umupo sa tabi mo. Nakipagkilala sa’yo at
nakipagkuwentuhan. Habang tumatagal ang ating pag-uusap, hindi mo napigilan ang
sarili mo na ilabas sa akin ang problema mo. Iniwan ka pala ng lalaking mahal
na mahal mo.
Hindi mo napigilang umiyak sa balikat ko habang sinasabi
mong, “Ginawa at binigay ko na lahat pero kulang pa rin.”
Sagot ko naman, “Okay lang yan, baka hindi siya ang
lalaking para sa’yo. Pero kung kayo man ang nakatakda para sa isa’t-isa,
babalik at babalik din siya sa’yo. Hindi lang siguro ito ang tamang
panahon para sa inyong dalawa. Minsan kaya tayo iniiwanan kasi may
darating na mas karapat-dapat para sa atin. Masakit talaga dahil napamahal na
sila sa atin, pero kailangan nating tanggapin. Dahil hindi natin hawak ang
panahon.”
Mula noon naging magkalapit na magkaibigan na tayo. At walang
sawa naman akong gumawa ng mga bagay na makakapagpasaya sa’yo para makalimutan
mo na ng tuluyan ang nakaraan mo. Walang tigil na kulitan at tawanan. Asaran at
banatan. Hanggang sa napakahirap na para sa akin ang mga sandaling hindi ka
makausap. Namimiss na kita kapag hindi kita nakikita. At dumating na nga sa
punto na iba na talaga ang nararamdaman ko. At hindi ko maitatago na umiibig na
nga ako sa’yo. Pinagtapat ko sa’yo yon at tuwang-tuwa ako kasi sinagot mo ako
agad. Nasabi ko pa sa sarili ko noon, “Ikaw na.”
Hinahabol tayo ng mga langgam kapag magkasama. Pati na ang
gabi minsan sa atin nagiging umaga. Lagi ko pinagdarasal na, “Sana
ikaw na nga.”
Hanggang sa dumating ang isang araw na hindi na kita nakita.
Ni mensahe o tawag wala ka. At hindi na rin kita makontak pa. Pinuntahan kita
sa inyo pero wala ka. Nagpunta ka na pala ng Canada. Hindi ka man lang
nagpaalam. Tumagal ng mga ilang buwan na umaasa akong tatawag ka. Pero bigo ako
at naging kawawa. Ngayon ay tanggap ko na.
Para kang ibon na bigla na lang dumapo sa harapan ko.
Hinuli kita at inalagaan sapagkat ika’y maamo. Ang puso mong dala-dala pala ay
sugatan. Sinubukan kong gamutin at ialay ang pagmamahal mong kinasasabikan.
Naging masaya ka, ganon din ako.Pero bakit ganon? Sa gitna ng tawanan nating
dalawa, tamis ng biruan at pagmamahalan, bigla ka na lang lumipad at
nagpakalayo-layo. Pignagmasdan kita at hinintay ang iyong paglingon
hanggang sa napansin ko na lang na wala ka na. Kasabay ng pagtulo ng aking mga
luha. Ginawa mo lang pala akong sanga. Pwedeng dapuan at gawin tahanan ngunit
kung kailan mo gusto ay handang iwanan.
©Copyright 2012, Iceburn™ Blog. All rights reserved. Copying of any article in this blog without permission is strictly prohibited.
0 comments:
Post a Comment