Monday, November 10, 2014 | By: iceburn

Bayani ang Tatay Ko!

Ang kuwentong ito ay batay sa tunay na pangyayari, sa buhay ng hindi malayong kamag-anak ko. Ang ugali nong “anak” na nasa kuwentong ito ay hindi niya pag-uugali sa totoong buhay. Ginawa ko lang na ganon ang pagkatao niya dito, para  mas maraming aral ang mapupulot ng sino mang makababasa nito.

*****

Isa akong pasaway na anak. Laging wala sa bahay. Laging umaalis na hindi nagpapaalam sa aking Tatay at Nanay. Kilala ako sa aming lugar, dahil na din sa kalokohan ko. Laging kinakausap ng mga opisyales ng aming baryo ang Tatay ko dahil sa katarantadohang ginagawa o kinasasangkutan ko.

Ilang beses din na pinapatawag ang mga magulang ko ng aming Dean noong nag-aaral pa ako. Hindi rin ako nakapagtapos dahil pag pumapasok ako, sa bahay ng barkada ako dumideretso hindi sa eskuwela. Kung bibilangin ko, mas ginugugol ko pa ang aking oras kasama ang aking barkada kaysa kasama ang aking pamilya buhat pa nang ako ay nagbibinata na.

Palagi akong pinagsasabihan ng Tatay ko sa tuwing umuuwi ako. Lagi niyang sinasabi na sana pakinggan ko siya dahil para sa ikabubuti ko din ang mga sinasabi niya. Totoo naman lahat ng mga pangaral niya kaya lang ayaw ko siyang pakinggan talaga. Magtutulog-tulugan na ako sa tuwing maguumpisa siyang magsalita. Minsan pa naiinis ako sa kanya at nagagawa kong sagutin sa tuwing itinatama niya ang mga mali ko.

Isang umaga pagkagising ko, nakita ko ang aking Ama na abala sa paghahanda. Kaarawan niya kasi noon at darating ang mga kaibigan niya at kamag-anak namin. Hindi ko siya pinansin. Hindi ko alam kung bakit ganun ang inasal ko noon. Ni hindi ko man lang nagawa na batiin siya ng “maligayang kaarawan.”

Agad-agad akong naligo at nagbihis saka umalis. Ayaw ko kasi na manatili sa bahay at baka utusan pa ako ng aking Tatay. Pumunta ako sa bahay ng isa kong barkada. Doon kasi ang tagpuan naming lahat na magbabarkada. Inuman, yosi, manood ng movie at mamasyal sa bahay ng mga nililigawan namin. Minsan din nasa plaza kami, naglalaro ng basketball. O di kaya dumadayo kami sa ibang baryo para makipaglaro ng may pustahan. Iba-ibang trip ang ginagawa namin.

Masaya ako sa piling ng aking mga barkada. Hindi ako nakakaramdam ng lungkot at walang problema kapag kasama ko sila. Buo ang araw ko kapag sila ang aking kasama. Sa kalokohan man o katinuhan lahat kami ay nagkakaisa.

Mga alas-diyes ng umaga yun at siguradong nag-uumpisa na ang inuman sa bahay. Nagkakatuwaan naman kami sa kuwentuhan ng aming karanasan, kalokohan man o kahihiyan. Walang tigil na tawanan, hiyawan at kantsawan. Ang iingay naming lahat. Hindi mo na halos marinig ang mga sinasabi ng bawat isa. Walang gustong magpatalo. Lahat ay ganado. Huling ingay ng barkada na hanggang ngayon sa isip ko nakatatak.

Akala ko maingay na ang barkada. May mas maingay pa pala sa amin. Isang malakas na pagsabog ang nagpatigil sa aming kaingayan. Nabigla ang lahat sabay tanong ng isa, “ano yun?!” Bigla naman ako kinabahan, hindi ko alam kung bakit. Lumabas kami ng bahay ng barkada ko. Sa bilis ng pangyayari, ganun din kabilis ang takbo ng balita.

Kapatid ng barkada ko ang tumatakbo parating. “Si John anjan ba? Umuwi ka na dali!! Ang Tatay mo.” Pagkadinig ko palang yun tumalon na ako mula sa terrace ng barkada ko. Tumakbo ako pauwi. “Bakit kaya Diyos ko, ano kaya ang nangyari?” yan ang tanong sa aking isipan habang tumatakbo ako.

Bago pa ako makarating sa aming bahay, isang ambulansya na matulin ang takbo ang nasalubong ko sa daan. Dumiretso ako sa bahay at naabutan ko doon ang aking pinsan. At mga kapit bahay na natutulala pa rin sa nangyari.

“Ang Tatay mo, sinabugan ng granada” nanginginig na sabi ng pinsan ko. Pati si Jun-jun (pamangkin namin) tinalsikan din sa paa. Tumakbo ulit ako papunta sa sakayan patungong bayan. Sumunod ako sa hospital.

Naabutan ko ang Tatay ko sa pagamutan. Pero hindi ko na siya naabutang buhay. Lumuhod ako at yinakap ang bangkay niya. Walang tigil ang pagtulo ng luha ko. Pinagsisisihan ko ang mga kalokohan na nagawa ko. Ang pagiging pasaway na anak niya. Noon ko nakita at napatunayan lahat kung gaano ako kasamang anak. Doon ko naisip ang halaga niya bilang Ama ko. Noon ko napatunayan kung gaano siya kabuting Ama, Asawa, Kamag-anak at Kaibigan. Dahil isinakripisyo niya ang sarili at buhay niya para lang walang ibang madadamay at masasaktan.

Inaayos niya pala ang mga kalat sa salas namin noong araw na yun. Nang hindi niya sinasadyang maatrasan ang isang kabinet kung saan nakapatong doon ang isang granada. Sa lakas ng pagkakabangga niya, gumulong ang granada at nahulog sa sahig. Sa lakas ng pagkakabagsak ng granada sa semento, aksidenteng natanggal ang pin nito. Kaya noong makita ng Tatay ko, agad niya itong nilukuban. Dahil ang mga pinsan ko, pamangkin, iba pang kamag-anak at bisita niya na karamihan mga bata ay nasa terrace namin. Kaya para walang ibang masasaktan, inangkin niya lahat ng sakit. Hinayaan niyang sumabog ang granada sa kanyang tiyan.Natalsikan lang kunti sa paa ang isa kong pamangkin. At bukod sa kanya at ng Tatay ko, wala ng ibang nasugatan.

Bayani ang tatay ko. Matapang at hindi makasarili. Kinalimutan niya ang kanyang sarili para lang mabigyan ng pagkakataon ang mga bata na mabuhay at tumagal pa dito sa ibabaw ng mundo. Dakila siyang Ama hindi lang sa paningin ko, kundi sa paningin din ng ibang tao lalo na sa mga naroroon noong naganap ang pangyayari.

Kung bakit siya may granada? May kaibigan siyang Sundalo, bigay siguro sa kanya. Ganyan siya kabuting Ama, Asawa, Kamag-anak at Kaibigan. Isinugal niya ang buhay niya alang-ala lang sa buhay ng mas maraming tao.

Sana nga lang naiparamdam ko sa kanya na nakikita ko ang kabutihan niya noong nabubuhay pa siya. Pero huli na at wala na siya. Paulit-ulit ko mang pagsisihan ang mga nagawa kong hindi maganda, hindi na niya ito mararamdaman pa. Lumuhod man ako at humingi ng kapatawaran niya, hindi na niya ako makikita at maririnig pa.

*****

“Walang ama o magulang ang hindi nagmamahal sa anak. Kahit gaano ka pa kapasaway. Kahit gaano ka pa kaloko. Kahit gaano ka pa kasamang anak. Anak ka parin para sa iyong ama o magulang. Kaya habang nabubuhay pa sila, ipadama natin sa kanila ang kahalagahan nila sa atin. Ipadama natin na mahal natin sila. Na sila ay ating mga magulang. Dahil hindi natin alam, baka bigla na lang natin sila mawawala.”

Iwasan din nating maglagay ng mga bagay na sumsabog sa loob ng ating bahay. Mag-iingat sa lahat ng ating ginagawa. At kung saan man magpunta. Dahil kaya tinawag na “aksidente” ang isang aksidente kasi hindi natin iyon inaasahan na mangyayari.



Friday, November 7, 2014 | By: iceburn

Hindi na Ako Birhen

Gaano ba kaimportante ang pagkabirhen sa isang relasyon? Batayan ba talaga ang pagkabirhen ng isang babae para siya ay seryosohin ng mga lalaki? Kapag ba hindi na birhen ang isang babae siya na ay malandi? Siya na ay masama at madumi? Siya na ay iniiwasan at itinatakwil?

Pagkabirhen, birhinidad ovirginity sa ingles. Ito ang iniingatan ng mga babae hanggang sa matagpuan nila ang tunay na lalaki at karapat-dapat niyang pag-aalayan ng pagkabirhen niya. Karamihan sa mga lalaki, gusto nila ay birhen daw na babae. Kasi daw malinis siya. Paano kung hindi na siya birhen, madumi na ba siyang tingnan? Hindi na ba siya pwedeng igalang? Hindi na ba siya pwedeng seryosohin?

Kawawa naman pala ang mga nagiging biktima ng panggagahasa kung ganoon. Wala na pala silang pag-asang makahanap ng lalaking seseryoso sa kanila. Dahil madumi na ang tingin sa kanila ng mga lalaki. Pero ang masasabi ko lang, hindi naman lahat ng lalaki ay ganon. Meron parin namang totoo kung magmahal. Seseryosohin ka kahit na alam nila ang nakaraan mo. Mamahalin ka kahit na alam nilang wala na ang pagkabirhen mo at ganyan ang lalaking mapapangasawa ko. Kaya nga lang inabuso ko yata ang pagkamabuti niyang tao.

Kitang-kita ko sa mukha ng boyfriend ko ang “pagkakabigo” noong sinabi ko sa kanya na “hindi na ako birhen.” Isang buwan pa lang ang relasyon namin noon. Hindi siya nakaimik noong narinig niya iyon.

Kaya dinagdag ko pa, “Malaya kang iwan ako, dahil wala na akong maipagmamalaki sa’yo. Hindi na ako malinis gaya ng mga ibang babae. Magdesisyon ka na habang isang buwan pa lang tayo. Para hindi pa masiyado masakit ang mararamdaman ko.”

Sumagot naman siya, hindi, hindi kita iiwan, mahal kita. Nabigla lang ako kaya hindi agad ako nakapagsalita. Minahal kita hindi dahil sa birhinidad mo. Kundi iyon ang nararamdaman ko para sa’yo. Hindi mahalaga sa’kin ang nakaraan mo. Ang mahalaga sa akin ay ang pag-mamahal mo.”

Nagulat ako sa sinabi niya. Sabi ko sa sarili ko, “may mga lalaki pa palang katulad niya. Na totoong magmahal at matatanggap kung ano at sino ka.”  Damang-dama ko sa sinabi niya na mahal niya ako talaga.

Nagdaan ang araw, buwan at taon. Malayo na ang narating ng aming relasyon. Sa tagal na yon, marami akong nakita at napatunayan. Isa siyang maipagmamalaki na anak, kapatid, kaibigan at kasintahan. Magalang, mabait, masipag, mapagmahal at higit sa lahat may takot sa Diyos. Halos nasa kanya na lahat ang hanap ng isang babae sa isang lalaki. Kaya naman napakasuwerte ko sa kanya dahil minahal niya ako.

Pero sa kabila ng lahat ng ito, mayroon pa siyang hindi alam. Kaya lagi akong natatakot at nag-aalala. Ayaw ko nang mawala pa siya sa buhay ko. Hindi ko kakayanin kapag nangyari yon. Kaya naman hindi ko masabi-sabi na niloko ko siya. Nakokonsensiya at nasasaktan ako para sa kanya. Masiyado siyang mabait para gawin ko ang bagay na iyon. Hindi ko rin lubos maisip kung bakit ko iyon nagawa. Wala naman siyang ginagawang masama.

Ngayon limang taon na ang aming relasyon. At ang magandang balita ay ikakasal na kami sa darating na buwan. Kaya lang habang palapit ng palapit na ang petsa ng aming pag-iisang dibdib, lalo naman akong kinakabahan. Dahil sa isang bagay na hindi ko pa naaamin sa mapapangasawa ko. Lagi ako ginugulo ng isipan ko, kung sasabihin ko ba bago kami ikasal o pagkatapos na lang ng kasal namin. Ang hirap mag-isip, ang hirap magdesisyon. Lalo na kapag malapit na ang pinakamahalaga mong okasyon.

Ano kaya ang iisipin niya? Ano kaya ang magiging reaksiyon niya? Kapag inamin ko na bago palang ang relasyon namin ay nagkasala na ako sa kanya? Na niloko at pinaniwala ko siya. At iyan ang pang-siyam na utos ng Diyos na nasa Biblia. Mapapatawad niya kaya ako?

Dahil noong sinabi ko sa kanya na “hindi na ako birhen”,

NAGSINUNGALING AKO.



Monday, November 3, 2014 | By: iceburn

TED-HANNA

"Sa mundo ng Blog, hindi lang pala mambabasa,
tagahanga at tagasubaybay ang makikilala mo;
minsan doon mo rin makikilala ang taong bubuo
sa susunod na kuwentong isusulat mo."



Madilim pa pala, “teka, anong oras na ba?” Tanong ko sa aking sarili at napalingon sa orasan. “Naku, alas tres ng madaling araw pa pala.” Bumangon ako at nagtungo sa kusina, nagtimpla ng kape saka umupo sa mesa. Pagkatapos ng unang higop ko sa kape ko, naisipan kong buksan ang laptop ko. May isusulat nga pala ako.

Ako nga pala si Ted, isa akong blogger, doon sa Definitely Filipino Blog; alam nyo iyon? Maraming magagaling na bloggers doon. Sa Blog Site na iyon, mayroon akong nakilala; siya si Hanna, isa rin siyang blogger.(isa sa mga readers at followers ko)

“Hello, Ted; alam mo, bilib talaga ako sa husay mo sa pagsusulat. Grabe ka, ang hilig mong mangurot ng puso naming mga readers mo. Saan mo ba hinuhugot ‘yang mga linya mo, at ang lalalim?”

“Hello, Hanna; salamat sa pagbabasa ha, malalim ba ang mga linya ko? May salbabida ako rito, gusto mo? Hehe!”

“Haay… salamat! Sa wakas nag-reply ka rin. Marunong ka rin palang magbiro. Hehe! Alam mo ba na lagi akong nagbabasa ng mga blog  mo? Halos lahat yata ng blog mo may comment ako.

“Alam ko, nakikita at nababasa ko mga comment mo. Isa ka nga sa mga dahilan kaya ako nai-inspire laging magsulat. Isa ka kasi sa mga nandyan lagi na tagasubaybay, nagbabasa at nagbibigay halaga sa mga sinusulat ko.”

“Ay, may pagkasuplado ka pala. Kasi hindi ka nagre-reply sa mga comment ng readers mo.”

“Hindi naman sa suplado ako, natatakot lang ako. Natatakot na baka kapag nag-reply ako, hindi na ako makapagsusulat ulit, kasi baka malibang akong kausapin ka sa comment box.”

“Naks naman, bumabanat ka na naman.Feeling ko tuloy, nagbabasa na naman ako ng blog mo; ikaw ‘yong bida at ako ‘yong leading lady mo.”

“Wow! P’wede naman e. Gusto mo magsulat ako ng isang kuwento, at tayong dalawa ang bida?”

“Wow! Siyempre, gusto ko!  P’wede ba ‘yon?”

“P’wedeng-p’wede, kaya lang, ano ang isusulat ko, e, wala pa namang nangyayari sa atin.”

“Ganon? Kailangan pa ba ‘yon? Ang dami mo ngang naisulat nang iba.”

“Oo, kailangan ‘yon. Kasi gusto ko ang kuwento natin ay totoo. ‘Yong mga naisulat ko na, kathang-isip ko lang mga ‘yon.”

“Naman…ang sweet-sweet naman ng isang Ted. Alam mo, nako-curious ako sa itsura mo. Bakit wala kang profile picture dito? Saka anong tunay mong pangalan?”

“Kasi ayaw kong kilalanin nyo ako sa totoong pangalan at totoong itsura ko. Gusto ko kilalanin nyo ako sa kung paano ko kayo napangingiti, napasasaya at nasasaktan sa mga blog ko. At iyan ay si Ted.”

“Assuuuus… Anong account mo sa Facebook, para ma-add kita?”

Bago ko pa nakausap si Hanna sa blog site, nakita ko na siya sa picture. Pangatlong comment niya noon sa blog ko, na-curious ako, kaya tiningnan ko ang facebook profile niya. Naka-link kasi sa blog profile niya ang kanyang facebook account.

Unang tingin ko pa lang sa kanyang larawan noon, nasambit ko na sa sarili kong, “ang ganda-ganda naman niya.” Naaliw akong pagmasdan ang mga larawan niya. At habang pinagmamasdan ko ang mga ito, tila ba may isang tinig akong naririnig. Nakaramdam ako ng kaiibang pakiramdam. Pero binale-wala ko lang iyon. At pagkatapos noon, umalis na rin ako at iniwan ang facebook profile niya na may ngiti sa aking labi.

Akala ko noon, hanggang doon lang iyon. Akala ko, hanggang ganon lang. Hindi ko pala alam, may karugtong pa iyon. At nangyari noong araw na nag-reply ako sa comment niya sa aking blog.

Ang usapan namin ni Hanna sa comment box ng blog site na iyon ay nauwi sa mundo ng facebook. Sa facebook, kilala na namin ang tunay na pangalan ng bawat isa. Kilala na rin namin ang tunay na itsura ng bawat isa, sa picture nga lang.

Si Hanna ay isang OFW, katulad ko rin. Nagtratrabaho siya bilang nurse sa bansang Oman at ako naman ay nagtratrabaho bilang cleaning worker sa United Arab Emirates. Ang layo ng pagkakaiba namin di ba? Isa lang ang bagay na may pagkakatulad kami, at iyon ay ang hilig namin sa pagsusulat.

Sa mundo ng blog at Facebook, nabuo ang pagkakaibigan namin ni Hanna. Hindi buo ang araw namin kapag hindi namin nakauusap ang isa’t-isa. Sa umaga, pagkagising ko, kukunin ko na agad ang mobile phone ko, titingnan kung may text akong natanggap. Kung walang text, mag-o-online ako at iche-check ko ang inbox ko, kung may message na siya. Kung wala pa, marahil tulog pa siya. Ako na ang unang magme-message sa kanya. Pero kung mauuna siyang magising, ang palaging mababasa ko na mula sa kanya,

“Good morning, Ted. Ang sarap ng tulog mo, siguro napanaginipan mo na naman ako no? Gising ka na, naihanda ko na ang almusal mo. Nagtimpla na rin ako ng kape mo, konti lang ang asukal na nilagay ko, baka kasi sumobra, ang sweet-sweet mo na e.”

“Good morning, Hanna. Late ako nagising, kasi kasama kita sa panaginip ko, kaya hindi kita maiwan-iwan doon. Salamat sa paghahanda ng almusal ko. Ang sarap, nabusog ako. Papasok ka na ba? Ingat ka, ingatan mo muna ang sarili mo, kasi masiyado pa akong malayo sa’yo, para ako na sana ang mag-iingat sa’yo.”

Madalas ganito ang mga eksena namin sa umaga. Walang sawang pinagsasalohan ang imahinasyon at likot ng aming isipan. Nangangarap kahit dilat na dilat naman ang aming mga mata.

Palagi kaming nagbabahagian ng mga kuwento; ideya, opinyon, karanasan at paniniwala. Naging bukas kami sa isa’t-isa. Kung iisipin parang matagal na kaming magkakilala. Araw-araw kulitan, asaran at tawanan kaming dalawa. Sabi ko nga sa sarili ko, para kaming magkababata, sabay lumaki, nagkahiwalay, saka pinagtagpo muli ng social media; kaya parehong sabik sa isa’t-isa.

Mula noong makilala ko si Hanna, hindi na ako nakakapag-blog. Naibaling na ang atensyon ko sa kanya. Nakalimutan ko na noon ang mga ibang readers at fans ng blog ko. Naging abala na ako sa mundo niya. Minsan nga tinatanong niya ako kung bakit daw hindi na ako nagsusulat.

“Hello, ted. Bakit hindi ka na nagba-blog? Wala ka ng bagong blog. Nami-miss ko na magbasa ng blog mo. Binabalik-balikan ko na lang yung mga dating blog mo na gustong-gusto ko. May mga comments ng ibang readers mo doon, bakit daw wala ka na bagong blog.”

Kapag ganyan ang tinatanong sa’kin ni Hanna, kahit online ako, hindi ako sumasagot kaagad. Umiiwas ako. At kapag ime-message ko na siya, mag-uumpisa ako sa ibang topic. Palagi kong ibinabaling sa iba ang usapan kasi hindi ko naman maamin sa kanya, na siya ang dahilan.

Oo, inaamin ko na type ko na noon si Hanna. P’wede ba iyon? Iibig ako sa isang tao na hindi ko pa nakikita at nakikilala sa totoong buhay? Para sa’kin, p’wede iyon, kasi ang pag-ibig, hindi naman nakikita, iyon ay nararamdaman. At iyon ang nararamdaman ko para kay Hanna, kahit noong una pa.

Mula noong makilala ko si Hanna, hinati-hati ko sa tatlong bagay ang buong maghapon ko. Walong oras akong magtratrabaho, apat na oras akong matutulog at dose oras ko siyang iisipin. Pero habang tumatagal sinasakop na niya ang buong maghapon ko. Kahit anong ginagawa ko, kahit nasa trabaho, iniisip ko siya. Pati sa pagtulog ko, dumadalaw rin siya sa aking panaginip.

Malambing si Hanna. Mabait, masipag, matalino at maka-Dyos. Palagi siyang nagme-message sa akin. Kung wala siyang internet, magte-text siya. Palaging tinatanong kung kumain na ako, kung tapos na ba ang trabaho ko, kung napagod ba ako. Basta isa siya sa mga pumapawi nang kapaguraan ko. Sa mga ginagawa niyang iyon sa’kin, hindi niya alam na abot hanggang tainga ang ngiti ko.

“Alam mo para kang bulaklak.”

“Bakit, dahil ba maganda ako at mabango?”

“Oo, maganda ka at mabango. Ako naman ay parang bubuyog, hindi mabubuhay kapag hindi ka nahahagkan.”

“Para akong langgam.”

“Bakit, masakit ka ba mangagat?”

“Hindi, mahilig kasi ako sa sweet, tulad mo.”

Habang tumatagal, at sa mga ginagawa at pinararamdam niya sa ‘kin, lalong nahuhulog ang loob ko sa kanya. Hindi lang talaga ako ganon katibay para aminin sa kanya ang aking nararamdaman. May takot ako na baka biglang mag-iba ang tingin niya sa’kin kapag nagtapat ako. Kaya ipinapanalangin ko na lang na sana, kahit hindi niya ako naririnig na nagsasalita, sana nakikita at nararamdaman niya ‘yong mga ginagawa ko. Natatakot akong magsalita kasi baka hindi siya makikinig. Siguro nga handa naman siyang makinig. Ako lang iyong hindi handang magsalita. Kasi may iniingatan ako, at iyon ay ‘yong pagkakaibigan naming dalawa.

Mabilis ang pag-ikot ng buwan at araw, hanggang sa dumating ‘yong araw na nahihirapan na ako. Nahihirapan na akong pigilan ang tunay na nararamdaman ko para sa kanya. Pero kapag inamin ko, baka iisipin niyang nagbibiro lang ako. Ang sakit nun! Masakit Kapag nakararamdam ka ng totoo pero hindi naman siya naniniwala sa’yo.

“Ano ba ang mawawala sa’kin kapag inamin ko?” Na-realize ko na mas matindi pala ang mawawala sa’kin kapag pinanatili ko itong nakatago. Kaya bahala na. Oras na para aminin ko.

“Hanna…”

“Yes, Ted… Ano iyon?”

Sa message ni Hanna, parang may kahulugan sa pagitan ng bawat letra. Parang may hinihintay siya na sabihin at aminin ako. Parang nababasa niya ang laman ng puso ko.

Grabe, ang hirap talaga. Nakapanghihina. Parang alak lang na kapag nilunok mo, mahapdi sa sikmura at mainit sa tainga. Pinakakapal, pinamamanhid at pinapupula pa ang iyong mukha.

“Anong ginagawa mo, kumain ka na?”

Sh*t! Hindi ko kayang sabihin. Nauwi sa iba ang usapan. Walang nangyaring pagtatapat. Bigo rin si Hanna na malaman ang inililihim ko sa kanya. Nang mapasulyap ako sa kalendaryo. Buwan ng agosto na pala. Isang buwan na lang magbi-birthday na siya. Magandang pagkakataon iyon. Kailangan mapaghandaan ko. Iyong gabi na iyon hindi ako nakatulog. Nakahiga lang ako at nag-iisip kung ano ba ang gagawin ko.

Binalikan ko’ yong conversation namin sa inbox. Kinuha ko ‘yong mga magagandang lines naming dalawa. Ang lahat ng iyon ay nilagay ko sa isang video, kasama ang larawan niya at larawan ko. Sa dulo ng video, bago ito matapos, nakalagay doon ‘yong pag-amin ko. Inisulat ko sa puting papel saka ko hinawakan at kinunan ng video pati ang sarili ko.

Pagkatapos kong gawin yung video, nag-search ako ng online flowers shop sa Oman. May nakita ako. Tamang-tama may pinoy na nagtratrabaho doon. Kinakontsaba ko ‘yong pinoy na iyon. In-upload ko ‘yong video saka ko ni-send sa kanya. Sinabi ko na i-download niya saka i-save sa usb flash drive. Tapos kasama ng bouquet ng rosas at teddy bear ide-deliver niya iyon kay Hanna, sa araw mismo ng kaarawan niya.

Dumating ang araw ng kaarawan ni Hanna. Magkahalong sabik at kaba ang naramdaman ko sa araw na iyon. Para akong lumulutang sa sobrang kaba. Hindi ko siya mine-message o binabati sa Facebook o sa text. Hindi ko rin siya tinawagan. Sinadiya ko talagang hindi muna magparamdam sa mga sandaling iyon.

May mga message siya sa akin noon. Nagtatampo, may nalimutan daw kasi ako. Alam ko ang ibig niyang sabihin. Nalimutan ko siyang batiin, kasi birthday niya. Hindi pa rin ako sumasagot sa mga message niya. Hinintay ko lang hanggang sa mangyari yung plano ko. Pang-araw kasi ang duty ni Hanna sa araw na iyon, kaya gabi niya matatanggap yung sorpresa ko. Sinabihan ko si kabayan sa flower shop na gabi niya iyon ide-deliver, sa oras na nakauwi na si Hanna, galing sa trabaho.

Gabi na noon, nakahiga ako pero nananatiling nakadilat ang aking mga mata, nag-aabang ng mga susunod na mangyayari. Maya-maya pa ay nakatanggap na ako ng mensahe mula sa kanya.

“Hello, Ted. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Nabigla talaga ako. Hindi ko inaasahan ito. Hindi ko hinihintay ‘to, ang hinihintay ko lang ay ang simpleng pagbati mo, na akala ko nakalimutan mo na. Iyon pala, may sorpresa ka na magpapaiyak sa akin ng sobra. Pinaiyak mo ako sa sobrang saya, Ted. Ngayon lang nangyari sa buhay ko ang ganito. Hindi ko alam kung paano kita pasasalamatan.

Ted, siguro hindi ka naman manhid para hindi mo maramdaman na mahal din kita. Kasi sa tingin ko, hindi naman ako nagkulang sa pagpapakita at pagpaparamdam non sa’yo. Minsan pa nga, naisip ko nang ako na lang ang unang magtapat sa’yo, pero parang nakahihiya kasi babae ako. Kaya hinintay ko na lang ang pagkakataong ito.

Ted, oo, mahal din kita. Minahal na kita noong bago pa lang tayo magkakilala. Sa lahat ng mga taong nakilala ko lang sa social media, sa’yo lang ako nagtiwala. Sa’yo lang naging malapit ang loob ko. Hindi ako nakaramdam nang takot o pag-aalinlangan sa’yo kahit na hindi pa kita kilala at hindi pa nakikita sa personal.

Pareho tayong naglihim, pareho tayong naghintay; pero ang pinakamasarap don, pareho nating mahal ang isa’t-isa.”

“Yes!” Halos mapalundag ako sa sobrang tuwa noon pagkabasa ko sa mensahe niya. Grabe, ang sarap ng pakiramdam. Ganoon pala ang pakiramdam kapag malaman mong mahal ka rin ng taong mahal mo. Iyon ang araw ng kapanganakan Ni Hanna. Iyon din ang araw na naging kami. Sa araw na iyon nagsimula ang buhay namin bilang magkasintahan. Kaya sobrang halaga ng araw na iyon para sa aming dalawa.

Bago pa naging kami ni Hanna, nagpunta ako sa isang jewellery shop. Bumili ako ng isang bracelet saka isang singsing. Iyong singsing na nagustuhan ko, napili at nabili ko, pang-couple iyon. Mayroon siyang kapares pero ‘yong isa lang ang binili ko.

“Bakit isa lang, bilhin mo na pati ‘yong kapares para ibigay mo sa girlfriend mo,” sabi ni kabayan sa jewellery shop.

“Wala naman akong mapagbibigyan kasi wala naman akong girlfriend,” sagot ko naman sa kanya.

Pagkalipas pa ng isang taon, umuwi na si Hanna sa Pilipinas. Hindi na kasi siya nag-renew ng kontrata. Balak niyang pumunta sa iba na namang bansa. Ako naman ay may tatlong buwan pa bago matapos ang kontrata ko. Pagkatapos noon, hindi na rin ako magre-renew, dahil lilipat ako sa ibang company, pero kailangan kong mag-exit. Tamang-tama, makikita ko na si Hanna sa personal. Mahahawakan ko na ang mga kamay niya. Mahahagkan at mayayakap ko na siya.

Noong malapit na akong umuwi, bumalik ako sa jewellery shop para bilhin yung kapares nang nabili kong singsing noon. Pero bago iyon, kinakontsaba ko muna ‘yong best friend ni Hanna. Nakisuyo ako sa kanya na alamin kung ano ang sukat ng daliri ni Hanna. Gusto ko, hindi ako magkakamali sa sukat ng bibilhin ko. Dapat ‘yong sakto talaga sa daliri niya.

Dumating ang araw na uuwi na ako. Alam ni Hanna na pauwi na ako pero hindi niya alam ‘yong eksaktong araw nang uwi ko. Hindi ko sinabi sa kanya dahil gusto kong sorpresahin ulit siya, sa tulong naman ng bestfriend niya.

Sa lugar nila hanna, hindi masyadong malayo mula sa lugar namin, mayroon silang tinatawag na “munting baguio,” isang medyo mataas na lugar, na napalibutan ng iba’t-ibang klase ng punong-kahoy, iba’t-ibang klase ng halaman at bulaklak. Lalong maaaliw ang mga mata mo sa mga paru-parong may iba-t-ibang kulay at nakakapit sa mga bulaklak. Sasabayan pa nang malalamyos na himig ng mga maliliit na ibon na malayang lumilipad at palipat-lipat sa sanga ng mga puno. May mga upuan din doon. Parang park lang siya. Maganda at tahimik, matatanaw mo ang mga kabahayan sa bandang ibaba non. Presko at malamig ang hangin doon, kaya nila tinawag na munting baguio.

Ilan sa mga punong-kahoy  doon ay diniktan ko ng larawan ni Hanna. Kasama ang mga linya ko na nakatatak na sa puso at isipan niya. Mga bagay na magpahihiwatig kay Hanna kung sino ang may gawa ng mga makikita niya.

Tapos yayayain si Hanna ng kanyang bestfriend para magpunta doon. Wala sa kaalaman ni Hanna, na nandoon pala akong naghihintay sa kanya.

Pagkarating nina Hanna sa lugar na iyon, tumambad sa mata niya yung mga larawan niyang nakadikit sa mga puno. Nagulat, nag-isip, nagtaka; magtatanong sana siya sa bestfriend niya nang paglingon niya, wala na pala ito sa kanyang likuran.

Sinimulan niyang lapitan ang mga puno, pa-isa-isa niyang kinuha ang mga larawan niya. May nakasulat kasi sa ibaba nito na gawin nya iyon at may numero ‘yong bawat larawan, iyon ay para malaman niya kung ano dapat ang uunahin niyang kunin. Sa huling larawan na kukunin niya, nakadakit iyon sa pinakamalaking punong-kahoy doon. May inilagay din akong musika sa paligid ng puno na iyon, at magpe-play ito oras na tanggalin niya ‘yong huling larawan niya na nakadikit.

Sa likod ng malaking punong-kahoy na iyon, hindi alam ni Hanna, na nandoon pala ang isang Ted. Oo, nandoon ako. Noong natanggal na ni Hanna ‘yong huling larawan niya, nagsimula na ring mag-play ‘yong musika. Sinabayan ko naman iyon, dahan-dahan akong lumabas. Pagkalabas ko, nakatalikod si Hanna dahan-dahan ko siyang nilapitan, at gamit ang aking mga kamay, tinakpan ko ang mga mata niya, saka ako nagsalita.

“Hulaan mo kung sino itong nasa likuran mo.”

“Ted? Ted ikaw ba yan?”

“Hmmm.. panno ka nakasisiguro na ako si Ted?”

“Linya mo kaya yung mga nakasulat sa ibaba ng mga larawan ko.”

Hindi na kami nagsayang nang panahon pa. Humarap siya sa’kin at walang sabi-sabing niyakap ako. Parang hindi mo iisipin na iyon ang unang pagkikita namin ni Hanna.

“Grabe ka, hindi ka man lang nagsabi na nakauwi ka na pala. Ang dami ko kayang message sa’yo. Nag-alala nga ako kasi hindi ka nagre-reply.”

“Sorry naman, gusto ko lang kasing sorpresahin ka e. Gusto kong iparamdam sa’yo kung gaano ka ka-special sa buhay ko.”

Biglang tumuntong si Hanna sa itaas ng bangko, inabot yung kamay ko sabay sabing,

“Tumuntong ka dito, dali… nandiyan na mga langgam.”

Napangiti na lang ako tumuntong din sa bangko, sabay sabing.

“May sorpresa pa pala ako sa’yo, pero pumikit ka muna,” sabay abot ng daliri niya at inisuot yung singsing na binili ko.

“Iyan, may couple ring na tayo. Dapat suot-suot mo iyan palagi dahil iyan ang magsisilbing ako kapag nandoon ako sa malayo. Ingatan mo sana.”

“Wow! Ang ganda. Maraming salamat, Ted. Oo, iingatan ko ito, tulad nang pag-iingat ko sa’yo dito sa puso ko.”

“Mahal kita, Ted; mahal na mahal!”

“Mas mahal kita, Hanna; mas mahal na mahal!”


Iyan, nangyari na yung hiling ni Hanna sa akin, noong bago pa lang kami magkakilala, na magsulat ako ng isang kuwento na kaming dalawa ang bida. Naisulat ko na kasi may mga nangyari na. Tulad nang nasabi ko noon kay Hanna na gusto ko, yung kuwento namin ay ‘totoong kuwento.’


Ang akdang ito ay aking opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 6.
Sa kategoryang pagsulat ng Maikling Kuwento.
www.sba.ph


Sunday, October 26, 2014 | By: iceburn

Mahal Ko; Wika ko!

F-ilipino ang wika ko, taas noo, ipinagmamalaki ko
I-to ang ginagamit ko upang magkaintindihan tayo
L-aging laman ng isip, puso at diwa ko
I-sang salita, isang lahi, isang Pinoy ako

P-angarap na bituin, gamit ko ay salita
I-to ang aking hagdanan upang maabot ko siya
N-apapagod man, nasasaktan at nadadapa
O-o, humahakbang pa rin ang aking mga paa

A-ko ay Pilipino, mayroong sariling wika
N-ananatiling makabayan kahit nasa ibang bansa
G-umagamit man ako ng wika nang iba
...mas mahal ko pa rin ang Filipino kong wika

W-ikang Filipino, kilala sa buong mundo
I-sang patunay lang ang kagandahan nito
K-ahit ibang lahi, sa aki'y nagpapaturo
A-t gustong maintindihan itong wika ko

K-ulang ang tula ko, kung hindi Filipino ang gamit ko
O-o, hindi ako marunong sa ingles, e anong paki ko?
...basta ang alam ko, mahal ko ang Filipino
...Sa isip, sa puso at sa salita, ako ay Pilipino!


Ang akdang ito ay ang aking opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 6.
Pagsulat ng Tula.