Photo Credit: goodquotesforfacebook.blogspot.com |
Sabi ko, “makikiraan lang ako,” hindi ko pala alam, na
ito na ang hangganan ng paglalakbay ko.
Naglalakad ako dati patungo sa di malamang pupuntahan nang
napadaan ako sa iyong harapan. Napatigil ako sapagkat, may kakaiba akong
naramdaman. Nilapitan kita at nakipagkaibigan. Pinatuloy mo ako at pinaupo,
nakipagkulitan at nakipaglaro hanggang naging magkalapit tayo.
Habang tinititigan kita, napansin ko ang iyong mga mata.
Hindi ka nga nagsasalita pero parang may mga katagang isinisigaw ang iyong mga
mata. Ramdam kong may pait at sakit kang dala-dala. Masaya ka kung tinitignan,
ngunit ang lungkot sa iyong kalooban ay hindi mo matatakpan. At sa iyong mga
mata ay aking nararamdaman
.
Tinanong kita kung ano ang nangyari. Nagsimula kang
magkuwento. Tahimik lang ako, nakikinig sa kuwento mo. Iniintindi ang bawat
letra ng bawat salitang sinasabi mo. Hanggang sa napansin kong may luha na
sa’yong mga mata. Napaluha din ako dahil damang-dama ko ang nararamdaman mo.
Umiiyak ang aking kalooban nang malaman ang iyong nakaraan.
Dahil sa kuwento mo, lalo kang napalapit sa puso ko. Bigla
kong natanong ang sarili ko, “Ano ba ang maari kong gawin para
mapasaya kita?” Para maibalik ang dating ngiti sa’yong mukha. Para
kumapit ka at hindi tuluyang mawalan ng pag-asa. Para maibalik yung dating
ikaw.
Mula noon, pinangarap kong maging masaya ka. Gusto kong
makita kang nakangiti kaya pilit kong gumawa ng mga paraan para matupad ang
pangarap kong yan para sa’yo. Itinuring kitang parang tunay na kapatid.
Inalagaan at pinahalagahan. Pero hindi ko naman akalain na hindi pa pala sapat
yon. Parang may kulang pa rin. Kailangan pa ng mas higit pa don.
Napaupo ako sa isang sulok. Nagtatanong, nag-iisip pero
hindi gumagana ang isipan ko. Tanging kalabog ng dibdib ko lang ang siyang
nakakaalam. Nagising na lang ako isang umaga na hinahanap na kita. Namimiss at
nasasabik na makausap ka. Naguguluhan ako, hindi malaman kung ano ba ito.
Pinagbigyan ko ang aking nadarama. Hinayaan kong puso ko ang magpasiya.Ang
puso ay hindi nakakapagsalita, ngunit sa bawat tinitibok nito ay siguradong
tama. Hindi rin pwedeng dayain ang nararamdaman ng puso, dahil matalino ito
kung pag-ibig ang pinag-uusapan.
Akala ko mahalaga ka lang, mahal na din pala kita. Natupad
nga ang pangarap ko. Napasaya nga kita at naibalik ang ngiti sa’yong mukha.
Nagkaroon ka ng panibagong pag-asa. Ngayon, masayang masaya ka na at lagi ka
nang nakangiti, ako ang dahilan. Kung darating man ang isang araw na luluha at
masasaktan kang muli, ayaw kong ako ang magiging dahilan.
Lagi mong sinasabing “Ayaw mong mawala pa ako sa buhay mo.
Mahal na mahal mo ako at hindi mo kakayanin kapag ako’y nawala sa’yo.”
Sasabihin ko naman:“MAHAL KITA, at MAHAL MO DIN AKO. MAHAL NATIN ANG
ISA’T-ISA. Sapat na dahilan na yan para manatili ako, at hindi kailanman
mawawala sa’yo.”
©Copyright 2012, Iceburn™ Blog. All rights reserved. Copying of any article in this blog without permission is strictly prohibited.
©Copyright 2012, Iceburn™ Blog. All rights reserved. Copying of any article in this blog without permission is strictly prohibited.