Photo credit: heroineoftomorrow.wordpress.com |
Sa pag-ibig walang taong perpekto. Lahat nagkakamali. Gaano
man kasakit o kapait ang sinapit natin sa pag-ibig, matuto tayong humingi ng
tawad at magpatawad.
Noong makilala kita kita akala ko ikaw na. Noong maging tayo
akala ko habang buhay na. Noong magkasama tayo akala ko hindi natayo
magkakahiwalay pa. Ang lahat ng iyon pala ay puro lang akala. Minsan tinatanong
ko sa sarili ko bakit ganoon. Bakit nangyayari ang mga bagay-bagay na hindi mo
ginusto. Bakit nangyayari ang mga bagay-bagay na hindi mo inaasahan. Sabi nila
lahat daw ng nangyayari sa buhay natin ay may dahilan. Siguro ganoon nga tayo.
Siguro may mga dahilan nga kung bakit tayo nagkaganito.
Wala namang mali eh. Wala ka namang pagkukulang. Wala ka
naman kasalanan. Ako lang talaga yong nagloko. Ako lang talaga ang naging
masama sa ating dalawa. Ako yong gumawa ng mali, ako yung hindi naging tapat
sa’yo. Bakit ko nga ba nagawa yon? Hindi ko alam. Tao lang ako na may kahinaan
sa mga bagay-bagay na hindi naman dapat mangyari. Tao lang ako na may puso na
hindi marunong umiwas sa tukso.
Akala ko kasi noon ganoon lang kadali ang lahat. Akala ko
madali lang magloko. Akala ko ganoong lang kasimple ang lukuhin ka, pero hindi
eh. Akala ko kasi hindi mo malalaman ang ginagawa ko. Akala ko kasi magaling ako
maglihim, hindi pala. Kahit pala gaano ka kagaling magtago, makikita’t makikita
parin ang maling ginagawa mo.
Siguro naman hindi ko kasalanan na kulitin ako ng isang
pusong pasaway. Ginawa ko naman iwasan. Sinubukan ko namang labanan. Pero hindi
ko nakayanan. Kasalanan ko ba kung bumabagsak din ako sa aking kahinaan?
Masisisi mo ba ang puso ko kung nagawa nitong magmahal ng iba habang mayroon pa
itong laman?
Ako man ang nagloko at gumawa ng mali, hindi naging madali
para sakin ang lahat ng ito. Dahil habang gumagawa ako ng kalokohan, iniisip ko
din na ikaw ay aking nasasaktan. Na habang nagpapakasaya ako sa iba,
nalulungkot din akong lihim na nasasaktan kita. Na habang abala ako sa iba,
nawawalan na ako ng panahaon na kumustahin ka. Kung okay ka lang ba at sabihing
“mahal na mahal kita, ingat ka palagi”.
Hindi ganoon kadali ang makagawa ng mali ng hindi mo
inaasahan. Wala naman talaga ako balak na ikaw ay aking saktan. Malupit lang
kasi talaga ang panahon at nagawa akong tuksuin. Siguro pagsubok lang yon sa
akin. Ang masama nga lang ang pagsubok na iyon ang nagpabagsak sa
pagkamatapatin ko sa’yo. Hindi naman kasi ako yong manhid na tao. Para hindi
maramdaman at hindi pahalagahan ang nararamdaman ng isang tao. Ang mali ko lang
talaga nagpabihag ako sa pagmamahal na laging nakikita ko habang ikaw ay malayo
sa piling ko. Ang nasa isip ko kasi noon, hindi mo naman malalaman ang lahat ng
ito. Akala ko kasi mananatiling lihim ang lahat ng ginagawa ko. Mali pala dahil
kahit anong ingat mo at higpit ng pagkakahawak sa lihim mong dala-dala,
darating din pala ang araw na mapapagod ka, papawisan ang palad mo at ito ay
iyong mabibitawan.
Ramdam ko kung gaano kasakit ang naramdaman mo noong mga
oras na nalaman mo ang kalokohan ko. Gusto kitang yakapin at mag-sorry kaya
lang napakalayo ko. Gusto kong bawiin ang pagkakamali ko pero huli na at
nalaman mo na ito. Kahit nasa harapan ako ng maraming tao, hindi ko napigilan
ang pagtulo ng mga luha ko habang binabasa ang mensahe mo. Puno ng galit,
lungkot at pagkakabigla dahil sa nalaman mo. Ramdam ko kung gaano kita
nasasaktan. Ramdam ko kung paano mo nilalabanan ang sakit at pait na dulot ko.
At iyon ang unti-unting umuubos ng lakas ko. Kilala kita at mata palang
malalaman ko na kung nasasaktan ka. Alam kong hindi sapat ang “sorry” pero iyon
lang ang salitang kaya kong sabihin sa’yo sa mga sandaling iyon. Nagsisi ako
pero huli na at hindi ko na mababawi pa.
Sa araw din na iyon pinalaya mo ako. Napakadali mo lang
sinabi sa’kin yon pero alam ko kasabay non ng pagtulo ng luha mo. Sana nasa
tabi mo man lang ako noon para mapunasan ko man lang ang mga luha mo kahit na
alam kong hindi ko na mapapawi ang sakit nararamdaman mo. Gusto kitang alalayan
noon kahit na alam kong hindi maibabalik pa sa dati ang tiwala mo.
Nangyari ang bagay na hindi ko inaasahan. Hindi ko man lang
napaghandaan. Hindi ko rin maintindihan ang aking sarili noon. Kung bakit hindi
man lang kita pinigilan at ayusin kung ano man mayroon tayo. Hindi ko man lang
sinubukan kung matatanggap mo pa ako ulit. Siguro mayroon ding bagay na
pumipigil sa akin para gawin iyon. At hindi ko iyon alam. Hindi ko alam kung
ano, hindi ko alam kung bakit.
Ganoon pa man pinilit kong maging maayos sa atin ang lahat.
Gusto ko maging magkaibigan parin tayo. At magdamayan sa mga oras ng
kalungkutan at kagipitan ng bawat isa. Kinukumusta parin kita at sumasagot ka
naman. Masaya ako kahit paano dahil alam kong nariyan ka parin sa kabila ng mga
nagawa ko sa’yo. Kaya lang parang unti-unting nagbabago ang lahat. Ramdam ko
ngayon na nawala na kita. Hindi na kita maabot. Ang layo-layo mo na.
Kinalimutan mo na ako ng tuluyan. Masakit para sakin kasi kailan man hindi nawala
ang pagmamahal ko sa’yo. May mga pagkakataon parin na naaalala kita. Namimiss
at binabalikan ang mra masasayang araw nating dalawa. Napapaluha, nasasaktan,
nagsisisi at nagtatanong parin ako hanggang ngayon.
Siguro nga talagang hanggang dito lang tayo. Siguro ganito
lang katagal ang panahong itinakda para sa ating dalawa. Siguro nga hindi tayo
para sa isa’t isa. Pero masakit eh. Masakit na hindi mo makakatuluyan ang taong
kasama mong bumuo ng mga pangarap. Masakit isipin na paghihihiwalayin kayo sa
oras kung kailan mahal na mahal niyo na ang isa’t-isa. Masakit ang masaktan
pero kung totoo kang magmahal mas masakit kung ikaw ang dahilan na may
nasasaktan. Dahil hindi mo naman iyon ginusto eh. May mga bagay lang talaga na
may hangganan. Na kahit ayaw mong mangyari, dumarating talaga iyan kapag oras
na nito. At wala kang magagawa kundi tanggapin nalang. Balang araw lilipas din
ang lahat ng iyan.
Alam kong humingi na ako sa’yo ng tawad, pero gagawin ko
ulit sa’yo. Patawarin mo ako kung nasaktan kita. Patawarin mo ako kung tumingin
ako sa iba. Patawarin mo ako kung naging mahina ako. Patawarin mo ako kung
pinaiyak at sinaktan kita. Patawarin mo ako kung sinira ko ang mga pangarap
nating dalawa. Patawarin mo ako kung hindi ko magawang limutin ka. Dahil
hanggang ngayon mahal na mahal pa rin kita. Ingat ka lagi, ingatan mo ang
sarili mo dahil wala na ako para ingatan ka. Patawad. Paalam.
Lahat tayo ay may karapatang magbasa pero walang karapatang
manghusga.
author: iceburn
©Copyright 2012, Iceburn™ Blog. All rights reserved. Copying of any article in this blog without permission is strictly prohibited.
http://definitelyfilipino.com/blog/2012/03/23/patawad-dahil-naging-mahina-ako/
©Copyright 2012, Iceburn™ Blog. All rights reserved. Copying of any article in this blog without permission is strictly prohibited.
http://definitelyfilipino.com/blog/2012/03/23/patawad-dahil-naging-mahina-ako/