|
Photo credit: zazzle.com |
Part-1
Kababata ko si Jenny. Kilala ang angkan nila sa aming lugar.
Mababait kasi ang pamilyang kinabibilangan niya. Tatlo silang magkakapatid, at
siya ang bunso. Nakatira lang silang magkakapatid sa piling ng kanilang lola
dahil ang kanilang mga magulang ay nasa Canada. Hindi naman sila mayaman, pero
masasabi kong may-kaya ang pamilya nila.
Noong nasa elementarya pa lang kami, sabay kaming pumapasok
sa school; ganun din kapag uwian na. Magkaklase din kami noon. Sabay kaming
gumagawa ng mga assignments at projects namin sa bahay nila. Palagi kaming
nagtutulungan. Lagi n’ya ako pinahihiram ng gamit niya. Kumpleto kasi ang gamit
niya sa school. Palagi din niya akong pinakokopya. Matalino kasi si Jenny noon,
siya ang first honor sa aming klase. Lagi din niya ako binibigyan ng mga baon
niyang chocolates at iba pa.
Pero sa kabila ng kabaitan niya sa ’kin noon, nagagawa ko pa
rin siyang paiyakin. Lagi ko kasi siyang inaasar at sinasabihan na tabachoy
siya. Mataba kasi si Jenny noong mga bata pa kami. Lagi niya ako hinahabol at
binabato. Tapos pinagtatawanan ko siya kapag hindi niya ako naaabutan.
Kinaumagahan, bati na naman kami. Kahit inaapi at inaaway ko siya, kung aawayin
siya ng iba, ipinagtatanggol ko. Kaya naman siguro malapit ang loob niya sa
’kin at ibinabahagi niya ang mayroon siya na wala ako.
Naalala ko pa noong nasa grade 4 pa lang kami. Sabay kaming
pumapasok noon. Habang naglalakad kami papunta sa school, may nadaanan kaming
puno ng manga na maraming bunga. Sabi ni Jenny sa ’kin, manguha daw kami. At
dahil mataas yun, inakyat ko. Pinahawak ko muna sa kanya yung bag ko, at umupo
lang siya sa ilalim ng puno ng mangga habang nasa taas naman ako ng puno at
nangunguha ng bunga.
Hindi ko alam kong ano ba ang pumasok sa isipan ko noon at
sinadya kong magtagal sa itaas ng puno. Kumakain ako doon habang nakaupo sa
isang medyo malapad na sanga. Si Jenny naman ay matiyagang naghihintay sa baba.
Noong nakababa na ako, sinabi ko kay Jenny na hindi na lang kami papasok.
Pupunta na lang kami sa may ilog at maglalaro. Pinilit ko siya, hanggang sa
napapayag ko. Masama akong impluwensiya noong bata ako.
Noong nasa ilog na kami at nangunguha ng mga puting bato
doon sa may bandang mababaw, bigla ko na lang siyang tinulak. Napaupo siya at
nabasa, pinagtawanan ko pa. Umiyak siya noon, at nagalit sa ‘kin. Kinuha niya
yung bag niya at umuwi na siya, hindi ko na naawat. Nakasimangot siya sa ’kin
at kitang-kita ko sa kanyang mukha na nanggigigil siya. Siguro kung lalaki lang
din siyang tulad ko, baka nasapak na niya ako. Sinundan ko siya, at habang
naglalakad pauwi, narealize ko na mali nga yung ginawa ko sa kanya.
Noong makarating siya sa bahay nila, pinagalitan siya ng
lola niya kasi basa ang damit niya. May mantsa-mantsa pa ng manga. Lalo pa
siyang pinagalitan nung malamang hindi kami pumasok sa school. Pati ako tuloy
ay napagsabihan din ng lola niya. Sinumbong din niya ako sa nanay ko, kaya
napagalitan din ako.
Kinabukasan, noong papasok na naman kami, pumitas ako ng
bulaklak ng gumamela namin, saka ko ibinigay sa kanya noong naglalakd na kami
papasok. Bakit ko daw siya binigbigyan ng bulaklak. Sabi ko naman, tanda iyon
ng paghingi ko ng sorry sa kanya dahil sa nagawa ko. Tinanggap niya. Wala pang
kilig-kilig noon, bata pa kasi kami. Mula noon, hindi ko na siya niloloko.
Hindi ko na rin inaasar at inaaway. Siya naman ay hindi nag-iba ang
pakikitungo sa ’kin. Siya pa rin yung dating Jenny na mataba at sobrang
bait.
Hanggang sa matapos na kami sa elementarya. Valeditorian
si Jenny, matalino kasi. Ako naman, wala lang, ang mahalaga nakapasa ako. Tapos
na kami sa elementarya, High School naman ang haharapin namin ngayon. Sabay
kaming kumuha ng entrance examination sa isang CHED school sa aming bayan. At
sa awa ng Diyos, pumasa kaming pareho. Sabay din kaming nag-enrol, kaya lang,
hindi na kami magkaklase. Sa section A siya, ako naman sa section B.
Pero gaya noong nasa elementarya pa kami, sabay pa rin
kaming pumapasok, at sabay din kaming umuuwi. Siya pa rin ang takbuhan ko kapag
may kailangan ako. Sa kanya pa rin ako nagpapaturo kapag mayroon akong hindi
naiintindihan noon. Minsan pa nga sa kanya ako nagpapagawa ng assignment ko.
Ginagawan niya naman ako. Ganun din naman siya sa ’kin kapag may kailangan
siya. Para lang kaming magkapatid. Ako na ang itinuturing niya kuya noon.
Kinuha na kasi ng mga magulang niya sa Canada ang kanyang mga kapatid. At siya
na lang at ang lola niya ang nakatira sa bahay nila.
Lagi nga kaming tinutukso ng mga kaklase namin. Sinasabi
nila na magkasintahan daw kami. At iyon naman ang akala ng iba, na
magkasintahan nga kami kasi lagi nila kaming nakikita na magkasama. Iyon din
siguro ang dahilan na walang naglalakas-loob na ligawan siya, dahil akala nga
siguro nila ay girlfriend ko siya. Maganda na si Jenny noon, magaling na siyang
mag-ayos ng sarili niya. Hindi na rin siya mataba, pumayat na siya.
Noong nasa ikatlong taon na kami, Juniors Seniors Promenade
namin, kami ang magkapareha. Hindi ko alam kung bakit parang kinilig ako noon
habang nagsasayaw kami. Lalo na at napaka-sweet pa kasi ng tugtog. Noon ko lang
talaga naramdaman ang pakiramdam na iyon. Para bang ayaw ko sana na matapos ang
gabing iyon, pero wala ako magagawa. Noong matapos na, sabay din kaming umuwi
at hinatid ko siya sa bahay nila.
Pagkahatid ko sa kanya, umuwi na din ako. noong nasa kama na
ako at nakahiga, iniisip ko siya. Hindi ko talaga maipaliwanag kung ano ang
aking nadarama noon. Umaga na at mataas na yung araw, pero gising pa rin ako,
hindi na nakatulog sa kaiisip sa kanya. Kinaumagahan, wala kaming pasok. Noong
binuksan ko ang bintana sa kuwarto ko, nakita ko siya na nagdidilig ng halaman
nila. Lihim ko siyang pinagmamasdan.
Hindi ako sigurado, pero parang umiibig na ako noon. Hindi
ko alam, kasi hindi ko pa naman nararanasang magmahal. Noong nasa ikaapat na
taon na kami, mayroong nanliligaw sa kanya. Pinapansin naman niya, at kapag
nakikita kong magkasama o magkausap sila, para bang naiinis ako, para bang
nagseselos ako. Lalo na kapag nakikitang kong masaya si Jenny habang kausap
siya. Mula noon hindi na ako masyadong lumalapit sa kanya, gaya ng dati.
Nahihiya na din akong lapitan siya kapag may kailangan ako. Marami nang naiba,
medyo nilalayuan ko siya. Nahalata niya iyon, kaya isang araw, kinausap niya
ako.
Jenny: “May problema ka ba, may kasalanan ba ako sa ’yo,
bakit parang umiiwas ka na, ang layo-layo mo na?”
Iceburn: “Wala naman, nahihiya lang ako sa manliligaw mo,
baka iba ang isipin niya.”
Jenny: “Hmmm.. nagseselos ka no? Aminin.. aminin..”
Iceburn: “Sira! Bakit naman ako magseselos?”
Jenny: “Kasi, love mo ‘ko, ‘di ba? ‘di ba?”
Hindi na ako nakasagot pa sa kanya, natameme ako habang
pinipilit niya akong aminin na mahal ko siya. Namumula ang mukha ko at hindi ko
maiharap sa kanya, nahihiya ako at baka mahalata niya.
“Hmmp.. d’yan ka na nga,” sabi niya sabay alis. Iniwan niya
ako, lihim na napahabol naman ako ng tingin sa kanya. Sa hindi ko inaasahan,
biglang napalingon siya. Nahuli niya akong nakatingin sa kanya. Tawa siya nang
tawa. Lalo naman akong nahiya, kinuha ko ang bag ko at umalis na din ako.
Kinabukasan, habang papasok na kami sa school, hindi ako
umiimik, siya lang ang salita nang salita, siya lang ang kuwento nang kuwento.
Pumapasok sa tainga ko yung mga sinasabi niya, pero lumalabas din sa kabila,
kaya wala akong naiintindihan. Nahalata niya iyon, tinanong niya ako.
Jenny: “Nakikinig ka ba, kanina pa ako salita nang salita,
hindi ka naman yata nakikinig?”
Iceburn: “Ano ba ang sinasabi mo?”
Jenny: “Kita mo na, sabi na nga bang hindi ka nakakikinig
eh, nakakainis ka talaga!”
Iceburn: “Sorry, may iniisip lang ako.”
Jenny: “Sino na naman yang iniisip mo na ‘yan?! Ganyan ka
naman lagi eh.”
Nagtatampo si Jenny. Siya naman ang tahimik ngayon, hindi na
din niya ako kinakausap. Pumasok siya sa room nila na nakasimangot. Pumasok din
ako sa room namin. Habang wala pa yung instructor namin, nagmumuni-muni ako.
Ang layo-layo ng narating ng isip ko. Tinatanong ko ang sarili ko kung bakit
ganun si Jenny, madalas na magtampo ngayon kapag hindi ko pinapahalagahan ang
mga sinasabi at ginagawa niya. Hindi kaya may pag-ibig din siyang nararamdaman
para sa’kin? Tanong ko sa sarili ko. Biglang dumating naman ang instructor
namin, kaya nahinto ang pagmumuni-muni ko.
Noong pauwi na kami, galing school, tahimik pa rin siya.
Tinanong ko.
Iceburn: “Kumusta naman yung manliligaw mo, kayo na ba?”
Jenny: “Hindi ah. Ayaw ko dun, adik ‘yun eh.”
Mabuti naman, sabi ko sa loob-loob ko. Parang gusto kong
sabihin sa kanya, na ako na lang ang manliligaw, na mayroon akong kakaibang
nararamdaman para sa kanya. Kaya lang natotorpe naman ako. Hanggang unang
tanong lang ako, kapag dumating na sana yung pagkakataon ko para magsalita,
saka naman ako tinatamaan ng hiya at kaba. Kaya walang nangyaayri.
Isang gabi gumagawa ako ng assignment ko. Noong matapos ko
na yung assignment ko, bigla kong naisipang magsulat ng tula para kay Jenny.
Kumuha ako ng bolpen at papel at nagsimula na akong magsulat.
Part-2
Minsan hindi ko maintindihan ang sarili ko
May mga dumarating na pagkakataon pero pinapalipas ko
Minsan tinutulak na ako ng dibdib ko,
hindi naman makapagsalita kapag ika’y nasa harapan ko
Paano ko kaya maipaparating sa’yo ang aking nararamdaman
Kung ang bawat titig at sulyap ko nama’y iyong iniiwasan
Sana minsan nama’y iyong pagbigyan
Kung may nararamdaman ka din, nais kong malaman
Maging sa pagtulog at panaginip ko’y ikaw ang nakikita
Naglalakad akong kasa-kasama kita
Hindi buo ang araw ko kapag hindi kita makita
Sinisigaw ko pa nga na iniibig kita
Paggising sa umaga ikaw ang unang naaalala
Sinasabik sa pagpasok sa ating eskuwela
Maging ang almusal ko’y nalilimutan ko na
Pagkat ang nasa isip ko ay ang makita kita
Ang masilayan ang kagandahan mo at amo ng mukha
Na sa aking mundo’y nagbibigay ligaya
Kahit sa upuan man lang ika’y matabihan
At sa ating paguwi ika’y masabayan
Naisip ko tuloy na isulat na lang
Sa lapis at papel ko na lang idadaan
Gusto ko na kasing maliwanagan
Pag-ibig ko sayo’y sana maunawaan
Ito sana Jenny ay iyong babasahin
Isapuso mo at isaisip mo na rin
Para kahit punitin mo man o di kaya’y sunugin
Pag-ibig ko sayo’y nakapinta pa rin
Noong matapos ko nang sulatin yung tula para kay Jenny,
iniipit ko iyon sa binder notebook ko, at natulog na ako. Kinaumagahan, noong
papasok na kami. Pinabitbit sa ’kin ni Jenny yung radio cassette nila, may
practice daw kasi sila sa sayaw. Kinuha niya yung binder notebook ko, siya na lang
daw ang magdadala para hindi ako masyadong mahirapan. Ibinigay ko naman, at
wala sa isipan ko yung tula na isinulat ko kagabi para sa kanya.
Tulad ng nakagawian namin, nagkukuwentuhan kami habang
naglalakad papasok sa school. Nauuna akong maglakad ng mga dalawang metro kasi
ang bagal maglakad ni Jenny. Hanggang sa napansin ko na lang na napakatahimik
na niya. Noong lingunin ko, patay! Binabasa na niya yung tula ko. Bigla akong
namula at parang makakalas na ang mga buto ko noong mga sandali na iyon. Hindi
naman siya tumitingin sa ’kin. Nakatutok ang mga mata niya sa tulang binabasa
niya.
Binilisan kong maglakad na para bang hindi ko siya nakita.
Hanggang sa tinawag niya ako. Hindi ko siya pinansin, para bang hindi ko siya
naririnig.
Jenny: “Antayin mo naman ako, ang bilis-bilis mo namang
maglakad.”
Iceburn: “Bilisan mo kasi, late na tayo. Ang bagal-bagal
mo.”
Jenny: “Asus, ang aga-aga pa.”
Lihim ko siyang tinignan, wala na yung tulang binabasa niya.
Siguro ibinalik din niya sa binder notebook ko. Noong makarating na kami sa
school, ibinigay ko na sa kanya yung radio cassette at kinuha ko naman yung
binder notebook ko. Agad-agad akong pumasok sa room namin at tinignan ko
yung tula ko kung nakaipit pa ba sa binder notebook ko. Naroroon nga na parang
hindi nagagalaw.
Mula noon, lagi nang nakangiti si Jenny kapag magkausap at
magkasami kami. Para bang may kilig akong nakikita sa kanyang mga mata. Siguro
nga mahal niya din ako, at dahil sa tula na nabasa niya kaya siya ganito
ngayon. Para na kaming mag-on, nag-aakbayan, minsan din nagyayakapan kami. Wala
nang nangyaring ligawan, basta natagpuan na lang namin ang mga sarili naming na
namimiss namin ang isa’t-isa. Kulang ang araw namin kung hindi kami magkita at
magkausap.
Lumalim nang lumalim yun hanggang sa magtatapos na kami ng
highschool. At bago kami nagtapos, kami na nga. Totoo na ‘yan, magkasintahan na
kami.
Noong College na kami, magkaiba na kami ng pinasukan na
Unibersidad. Sa pribado siya, ako naman ay sa publiko lamang. Nursing ang
kinuha ni Jenny, ako naman ay Engineering. Saka na lang kami nagkikita kapag
bakasyon. Sa siyudad kasi nag-aaral si Jenny, samantalang ako, sa bayan lamang.
Minsan, noong bakasyon naming, nagpunta kami sa tabing
dagat. Naghahabulan kami noon nang bigla na lang siyang napahinto at seryosong
tinananong ako.
Jenny: “Hanggang saan at hanggang kailan mo ako
mamahalin?”
Iceburn: “Huwag mong tanungin kung hanggang saan, kung
hanggang kailan, dahil ang pagmamahal ko sa ‘yo’y walang hangganan, walang
katapusan.”
Napakatamis ng ngiti sa kanyang mga labi noong marinig
niyang sabihin ko yon. Bigla siyang kumuha ng patpat at isinulat niya ang
pangalan ko sa buhangin, saka “I Love You,” sa ibaba nito.
Gumuhit naman ako ng malaking hugis puso, saka ko isinulat
ang pangalan ni Jenny sa loob nito. Tapos, umakyat kami sa may malaking bato,
sa ibabaw nun, doon kami nagsumpaan na, “walang iwanan” at “habang buhay tayong
magmamahalan.” Sinigaw pa niya noon yung pangalan ko, kasunod ang mga salitang,
“mahal na mahal kita.” Dala ng hangin at abot hanggang ulap ang saya at kilig
ko noong mga sandaling iyon. Langit ang saksi sa mga alaala naming iyon.
Nagdaan ang araw, buwan at taon. Nakapagtapos na si Jenny,
ako naman ay nasa ikalimang taon pa lang sa kurso ko. Nakapasa na din si Jenny
sa board exam., isa na siyang Registered Nurse. Nalungkot ako noong nagpaalam
siya sa ’kin. Kinukuha na daw siya ng kanyang mga magulang sa Canada. Siya na
lang din kasi at ang katulong niya ang nakatira sa bahay nila, dahil ang
kanyang lola ay namatay na. Kahit na mahirap na mapalayo si Jenny sa ’kin,
inintindi ko, dahil mahal na mahal ko siya. Kahit masakit na iiwanan na niya
ako, wala akong magawa. Kailangan niyang sundin ang kagustuhan ng mga magulang
niya. Huwag daw akong mag-alala, dahil pag may pagkakataon na daw, ako naman
ang kukunin niya sa Canada. Babalikan niya daw ako kapag citizen na siya doon.
Pinangako ko naman sa kanya na hihintayin ko ang pagkakataon na iyon.
Part-3
Pagkalipas ng maraming taon.
Hindi lahat ng umaga na dumarating ay may hatid na saya.
Hindi lahat ng pagsikat ng araw ay maliliwanagan ka. Dahil kahit gaano
kaliwanag ang paligid mo, magdidilim din yan kapag uulan na.
Tulad na lang ng ngiti na dati ay madalas mong makita sa mga
labi ko. Ngayon, nahihirapan na ako kahit pa pilitin ko. Hindi kasi maitatago
na dinaramdam ko ang hindi pagpaparamdam ng mahal kong nasa malayo. Kung bakit
pa kasi kami pinaglayo. Wala sanang pagdududa, pag-aalala at kalungkutan akong
nararamdaman ngayon.
Hapon na naman pala, matatapos na naman ang makunat na
maghapon ko. Punta nga muna ako sa tabing dagat, dala-dala ang aking bolpen at
papel. Magpapahangin lang at magsusulat. Maglalabas ng sama ng loob at
kalungkutan. At babalikan ang mga masasayang araw naming noon sa tabing dagat
na iyon.
Susulatan ko ulit ang aking mahal.
Dear Jenny,
Heto ako’t nakaupo sa tabing dagat ngayon. Pinagmamasadan
ang unti-unting paglubog ng araw. Habang ramdam na ramdam ko ang bawat dampi ng
malamig na simoy ng hangin, ginugulo naman ng maingay na alon ang aking isipan.
Marami kasi akong tanong na hindi ko mahanap ang kasagutan. Kaya ako nagpunta
dito, baka kako dito ko matatagpuan.
Tandang tanda ko pa noong naghabulan tayo sa tabing dagat
din na ito. Tapos bigla kang napahinto at seryosong tinanong ako. “Hanggang
saan at hanggang kailan mo ako mamahalin? Sinagot naman kita, “huwag mong
tanungin kung hanggang saan, kung hanggang kailan, dahil ang pagmamahal ko sa ‘yo’y
walang hangganan, walang katapusan.” Napakatamis ng ngiti mo noong marinig mo
‘yun mula sa akin.
Nakaupo nga pala ako dito sa buhanginan. Kung saan,
isinulat mo noon ang aking pangalan. Saka “I Love You Forever” sa ibaba nito.
Gumuhit naman ako ng malaking hugis puso saka sa loob noon, isinulat ko ang
pangalan mo. Saka tayo umakyat sa malaking bato na iyon. Doon tayo nagsumpaan
na “walang iwanan” at “habang buhay tayong magmamahalan.” Sinigaw mo pa pala
ang pangalan ko noon kasunod ng salitang “mahal na mahal kita” dala ng hangin
at abot hangang ulap ang kilig at saya ko noon. Langit ang saksi ng mga alaala
nating iyon.
Nalungkot ako noong nagpaalam ka sa akin. Na pupunta ka
na ng Canada dahil kinukuha ka na ng mga magulang mo. Kahit alam kong
mahirap na mapalayo ka sa akin, inintindi ko ‘yon dahil mahal na mahal kita.
Kahit masakit na iiwanan mo ako, wala ako magawa. Kailangan mong sundin ang
kagustuhan ng mga magulang mo. Sabi mo , huwag akong mag-alala, dahil pag may
pagkakataon na, ako naman ang kukunin mo sa Canada. Babalikan mo ako kapag
citizen ka na doon. Pinangako ko sa ’yo na magtitiis at hihintayin ko ang pagbabalik
mo dito sa Pilipinas.
Mula noong umalis ka na, bolpen at papel na lang ang
tulay nating dalawa. Siyang pumupunas ng kalungkutan ng bawat isa. Buwan-buwan
nagpapalitan tayo ng sulat. At paulit-ulit ko itong binabasa nang walang
kasawa-sawa. Larawan mo ang tinititigan bago matulog sa gabi at pagkagising sa
umaga. Sapat na ‘yon na upang magkakulay ang bawat maghapon ko.
Pero sa mga sandaling ito, nabalot na ang mundo ko ng
lungkot at pag-aalala. Nagsimula pa ito noong hindi mo na sinagot ang huling
liham ko. Hindi ko alam kung natanggap mo ba ito. At ilang taon na ang nagdaan.
Ilang taon na ding kinakapa ko ang aking ngiti at sigla. Mahirap mag-isip ng
kung anu-ano. Para lang akong naghihintay ng lalabas sa lotto. Na umaasang
mabubunot ang mga numero ko at mananalo.
Mahirap at masakit pero wala akong ibang magawa kundi ang
magtiis at maghintay. At magdasal na babalik ka pa, para ipagpatuloy natin ang
iniwan mong pag-ibig na hanggang ngayon iniingatan ko pa. Ang tanong, babalik
ka pa kaya? Babalik ka pa kaya na malaya para yakapin ko at muling makasama?
Paano na lang ang sumpaan nating dalawa? Paano na lang ang nasimulan nating
pangarap at saya? Mauuwi na lang ba yon sa wala? Huwag naman sana natin
hahayaan na mangyari yon. Dahil ipinaglalaban ko ang pagmamahalan natin mula
noon hanggang ngayon.
Ito ang mga tanong na gumugulo sa aking isipan. Na
nagbibigay sa ’kin ng labis na kalungkutan. Ikaw lang ang makasasagot at wala
nang iba. Patuloy pa rin akong maghihintay at umaasa. Kahit na walang
kasiguraduhan kung babalik ka pa. Tutuparin ko lamang ang pangako ko sa ’yo na
hihintayin ko ang pagbabalik mo.
Laging Nagmamahal,
Iceburn
Kapag malungkot ka, may dinaramdam at may mabigat kang
dinadala, hindi mo halos nararamdaman ang pag-ikot ng oras. Gabi na pala. Kaya
pala bukas na ang mga ilaw sa daan at mga bahay dito sa malapit. Napatingin ako
sa kalangitan. Mabuti pa ang mga bituwin naiintindihan ang aking nararamdaman.
Naaliw akong pagmasdan ang mga maniningning na bituwin.
Nakakarelax. Biglang may nahulog na shooting star. Kasabay nun ang pagsambit ko
ng “Jenny,” ang pangalan ng mahal ko. Siya talaga ang wish ko. Wish ko na sana
magparamdam na at maalala niya ako.
Palalim nang palalim ang gabi. Makauwi na baka hinahanap na
ako ni Nanay. Tamang-tama natapos na din ang sulat ko para kay Jenny. Ihuhulog
ko na bukas ng umaga. Kinaumagahan inihulog ko na yung sulat ko para kay Jenny.
Umabot ng isang buwan akong naghihintay ng sulat na manggagaling kay Jenny.
Part-4
Isang hapon, pagod na pagod akong galing sa trabaho. Bago pa
ako makapasok ng bahay, sinabi na ng mama ko na may sulat ako galing Canada.
Natuwa ako at nasabik na mabasa iyon. Tinanong ko agad ang mama ko, kung nasaan
yung sulat, kinuha ko at dumiretso ako sa kwarto ko pra doon ko babasahin.
Hindi maipaliwanag na ngiti ang nabubuo sa aking mga labi, noong makita ko na
galing nga kay Jenny ang sulat na para sa’kin. Binuksan ko agad ito at binasa
ko.
Dear Iceburn,
Napalibutan ng katanungan ang madilim na mundo ko. Kasama
ang mga katanungan mo na hindi ko malaman kung saan ko huhugutin ang isasagot
ko. May mga bagay-bagay na humaharang sa matuwid na dinaraanan ko. Na kahit
anong pilit ko na ihakbang ang kanang paa ko, hinihila naman ako ng mapait at
masakit na sinapit ko.
Mga pangako mo lang ang naging lakas ko, para manatili at
malabanan ang kalungkutan dito sa malayo. Umalis ako at iniwan kita noon, pero
binaon ko naman ang pangako at pagmamahal mo. Magkalayo man tayo, lagi ko
naman katabi ang larawan at mga sulat mo. Natanggap ko yong huling sulat
mo. At balak kong sagutin noon yon pagkauwi ko galing sa trabaho. Para
maintindihan mo kung bakit hindi ko na nasagot ang sulat mo, basahin mong
mabuti ang kuwento ko.
Sa hospital kung saan ako nagtatrabaho, mayroong sa aking
nanligaw at nagkagusto. Isa din siyang nurse katulad ko. Makulit at mapilit
siya kahit na hindi ko pinapansin. Pero kahit gaano siya kakulit, hindi niya
ako napasuko sa pagiging tapat ko sa ’yo. Minsan, hinahatid niya ako sa
apartment na tinutuluyan ko. May sarili kasi siyang sasakyan at
nadaraanan din niya ang tinutuluyan ko.
Setyembre 10, 1991, martes ng gabi. Ang petsang hindi ko
malilimutan. Alas diyes ng gabi noong makauwi ako galing trabaho. Dahil
sa sobrang pagod ko ay dumiretso ako sa kuwarto at nahiga, nakatulog nang hindi
namamalayan.
Hindi ko pala nailock ang pinto ng aking apartment. Kaya
nakapasok ang demonyong katrabaho ko. Hindi ko na maalala ang lahat ng
nangyari noon. Pinilit kong lumaban, pero masyado siyang malakas para sa tulad
kong isang babae. Sumigaw ako noon, pero tinakpan niya ang bibig ko ng
panyo. Hanggang sa ako ay nahilo.
Wala na ang demonyo noong magkamalay ako. Wala na din ang
isang bagay na iniingatan ko na iaalay ko sana sa ’yo. Nagdilim na ang mundo ko
noon. Hindi ko na alam ang mga nangyayari sa paligid ko. Lumabas ako at
naglakad papalayo. Hindi ko alam kung saan ako tutungo, nawawala ako sa sarili
ko. Hanggang sa bigla na lang huminto ang mundo ko, nawalan na ako ng malay.
Nang magising ako ay nasa loob ako ng pagamutan. At isang
madre ang nagbabantay sa akin. Sinabi niya na nabunggo niya ako. Tinanong niya
ang pangalan ko at ng aking pamilya. Kung taga saan ako. Pero hindi ko maalala
kung sino ako. Kung taga-saan. Kung anong nangyari. Pinatira ako ng
mabait na Madre sa monastery, inalagaan at itinuring na kapamilya niya. Doon
ako nanatili habang nagpapalakas ng katawan. Dahil nga sa ‘di ko maalala
ang pangalan ko, binigyan nila ako bagong pangalan.
Monica, iyan ang ipinangalan ng madre sa akin. Bagong
pangalan, bagong buhay, bagong pamilya, bagong mundo. Sa pananatili ko sa
tirahan ng mga madre, nag-iba ang aking pananaw, nag-iba ang paniniwala at
nag-iba na rin ang layunin ko sa buhay. Naimpluwensiyahan nila ako, pinangaralan,
tinuruan at naging katulad din nila.
Pagkaraan ng napakahabang panahon, bumalik din ang aking
alaala. Pero dahil sa pait ng sinapit ko noon, pilit ko na itong kinalimutan.
Ayaw ko nang balikan pa ang dating ako. Ayaw ko nang balikan pa ang sakit na
dulot ng kahapon ko. Masaya na ako sa bago kong buhay. Masaya na akong
kapiling ang mga bago kong pamilya. Masaya na akong nagsisilbi sa
Panginoon.
Wala na ang dating ako. Wala na si Jenny na minahal mo.
Wala na ‘yung kasintahan mo na umalis nang buong-buo. Wala na ‘yung kasama mo
noon na bumuo ng mga pangarap. Wala na ‘yung nangako sa ’yo na babalik upang
ipagpatuloy ang iniwan niyang pagmamahalan n’yo.
Oo, babalik ako ng Pilipinas. Babalik ako diyan,
pero hindi para sa’yo. Babalik ako diyan para sa Panginoon. Para sa
isang misyon. Ako kasi ang napiling ipadala diyan. Para ikalat ang
magandang balita. Para ipakilala at ilapit ang Panginoon sa mga malalayo sa
kanya.
Huwag mo nang hintayin si Jenny dahil hindi na siya
darating. Si Sister Monica ang darating. Bagong pangalan, bagong buhay at
bagong anyo. Ngunit ang pagmamahal ko sa ’yo ay hindi nawala. Mayroon pa ngang
naidagdag. At iyan ang Panginoon. Mahal kita, ngunit hindi na
bilang kasintahan. Kundi bilang kapatid. Dahil iisa ang ating ama. At walang
iba kundi ang Poong Lumikha.
Laging nagmamahal kasama ang Panginoon,
Sister Monica
Nagmistulang talon ang dalawang mata ko pagkabasa ko sa sulat
ni Jenny. Hindi na halos ako makakita dahil umaapaw na ang luha mula sa mga
mata ko. Nagdilim ang paligid ko. Nanghina ako. Ang sakit-sakit naman ng
sinapit ko. Hindi ko na alam noon ang aking gagawin. Nagkulong ako sa aking
kuwarto. Hindi na ako kumain noong gabi na iyon. Tinatawag ako ng mama ko, pero
sinabi ko na busog ako. Hindi din ako nakatulog.
Noong naramdaman kong tulog na ang mga magulang at kapatid
ko, lumabas ako ng bahay. Hatinggabi na iyon. Tapos, tumakbo ako nang tumakbo
nang tumakbo. Kung saan-saan ako nakakarating. Pinagod ko nang pinagod ang
sarili ko. Hanggang sa hinang-hina na ako at hindi na makatakbo pa. Umupo ako
ng mga ilang minuto. Noong medyo nakakuha na naman ako ng lakas, tumakbo ulit
ako. Hanggang sa makarating ako sa isang nilayasang-kubo, doon sa
malayong-malayong lugar sa ’min. Doon ako nanatili at nagpahinga.
Masama na ang pumapasok sa isipan ko noon. Gusto ko nang
pigilan ang aking paghinga. Gusto ko nang tapusin ang buhay ko. Habang nakaupo
ako at malalim ang iniisip doon sa kubo na iyon, may napadaan na isang
matandang lalaki. Madumi ang damit, madungis ang itsura, may buhat-buhat siyang
isag bulig ng saging. Parang pagod na pagod na siya. Napahinto siya sa harapan
ko, at tinanong kung may tubig daw ba ako. Nauuhaw daw siya. Tinignan ko sa
loob ng kubo kung may tubig ba doon, wala akong nakita kaya sinabi ko sa
matanda na wala. “Hindi ka tagarito no?” Tanong ng matanda sa ’kin, nahalata
niya yata ako.
Nararamdaman niya daw na may mabigat akong dinadala. Hindi
ako nakapagsinungaling sa kanya. At dahil para bang may bumubulong sa ’kin na
kuwentuhan ko siya, ganun nga ang ginawa ko. Ikinuwento ko sa kanya ang lahat
ng nangyari. At ito ang sinabi niya sa’kin.
“Pangarap, pagsubok, pangako, paglimot at pagkakabigo.
Minsan, ganyan ang pag-ibig, hindi mo alam kung hanggang saan, hindi mo alam
kung hanggang kailan. Hindi mo alam kung sino ang nakatakda para sa ‘yo. Hindi
mo alam kung ano ang nakatakda para sa ‘yo. Ano mang pagsubok ang dadaan sa
buhay mo, maging matatag ka lang. Binigay lang sa ‘yo ng Panginoon ang mga
bagay na ‘yan para sukatin kung hanggang saan ang iyong kakayahan. Lumaban ka,
magtiwala at manalig sa Kanya. Magtiwala ka sa iyong sarili, magtiwala ka sa
iyong kakayahan, dahil hindi naman Niya ibibigay sa ‘yo ‘yan, kung alam Niyang
hindi mo malalagpasan.”
“Umuwi ka na, siguradong nag-aalaa na ang iyong ama at
ina. Siguradong hinahanap ka na nila ngayon. Huwag mong pahirapan ang sarili
mo, gayun din ang mga magulang mo. Huwag kang mag-alala, lilipas din ang lahat
ng sakit na nararamdamn mo ngayon.”
Natauhan ako sa sinabi niya, na-realize ko na dapat ko nga
itong labanan, dapat nga akong maging matatag. Sabay kaming umalis sa kubo na
iyon. Naghiwalay kami dahil hindi pareho ang daanan namin pauwi. Nalimutan ko
palang magpasalamat sa matanda. Noong lingunin ko siya upang pasalamatan sana,
wala na siya. Kaya nagpatuloy na lang ako sa paglalakad, pauwi sa’min.
Mula noon, hindi ko na natutunan ang umibig pang muli.
Naging sarado na ang puso ko at hindi na natingin sa mga babae noon. Hindi ko
alam, pero para bang nawalan na ako ng ganang magmahal noon. Naging isa ako sa
mga hindi nangarap at naghanap ng babaeng makakasama sa kanilang pagtanda. Kaya
heto ang sinapit ko, singkuwenta anyos na ako sa susunod na buwan. At may isang
bagay nang hindi ko maitatanggi, isa na akong matandang binata.
©Copyright 2012, Iceburn™ Blog. All rights reserved. Copying of any article in this blog/ without permission is strictly prohibited.