(Photo credit: www.inquisitr.com) |
Ang pag-ibig kung minsan
ay mahirap maintindihan. Gagamitin ang puso mo, paiibigin ka. Kapag nahulog ka
na ng sobra-sobra, saka ka naman pahihirapan. Bakit ganun, bakit nagagawa
nitong paglaruan ang puso mo? Nagmamahal ka naman ng totoo. Bakit kung kailan naging
makulay na ang mundo mo at naging matamis na ang dating matabang na buhay mo,
saka naman darating ang panahon na masasaktan ka ng todo? Ganito ba talaga ang
tadhana, sadyang mapagbiro?
Tama nga na sa loob ng
isang minuto lang ay posibleng magkakagusto ka na sa isang tao. At sa loob ng
isang oras, posibleng mahalin mo na siya. Pero kapag dumating ang araw na
magkakahiwalay kayo, hindi magkakasya ang habang-buhay mo para makalimutan ang taong
ito. Maaaring ang pag-ibig na namamagitan sa inyo noon ay mawawala at
makakalimutan mo. Pero siya na minsan ay naging bahagi ng buhay mo, mahirap
kalimutan kahit pa anong gawin mo.
Kung mayroong
pagmamahalan, mayroong ding sakit. Kung mayroong tamis, mayroon ding pait.
Halos lahat ng bagay dito sa mundo ay nasisira, lalo na kung hindi mo ito
iniingatan. At kabilang na dyan ang puso mo. Ang puso mo kapag nasasaktan,
madalas sabihin ng mga kaibigan mo “mag-move-on ka na.” Madali lang ihakbang
ang mga paa mo, para makaalis ka sa kinaroroonan mo. Ang mahirap gawin ay ang
kalimutan ang isang tao na minsan naging bahagi ng buhay mo. Madaling sabihin
pero mahirap gawin, sabi nga ng iba. Kahit ikaw, sasabihin mo din yan sa
kaibigan mo, pero kapag ikaw na ang nasa sitwasyon, doon mo malalaman at
masasabing, “ang hirap pala.”
Kay hirap din
kumbinsihin ang isipan mo na huwag mo nang mahalin ang isang tao, lalo na kung
may pagmamahal pa ring nararamdaman ang puso mo para sa kanya. Ang hirap
magkunwari na okay ka lang, na hindi ka nasasaktan. Makikita at makikita pa rin
sa’yong mga mata ang tunay mong nararamdaman. Ang kalimutan siya ay tulad ng
pagsisid mo sa dagat o sa ilog ng matagal. Kahit anong mangyari, kailangan mo
pa rin umahon para huminga. Sabi nga nila para ka lang namumuhay sa loob ng
isang kahon na walang hangin at liwanag.
Ang mga ala-ala,
matamis man o mapait ay mananatili sa inyong mga puso at isipan. Darating at
darating ang araw na maalala nyo pa rin ang mga masasayang sandali na
pinagsaluhan ninyo ng matagal noong kayo pa ay nagmamahalan. Masarap balikan
ang mga alala na iyan, napapangiti ka pero biglang napapaluha dahil mahirap
harapin at tanggapin ang katotohanan na ito ay mga ala-ala na lang dahil may
kanya-kanya na kayong buhay ngayon.
Minsan natatagpuan mo
na lang ang sarili mo sa isang sulok. Natutulala, minsan naman nag-iisip at
nagtatanong. Bakit kailangan mo pa siyang makilala kung hindi lang naman siya
ang taong nakatakda para sa’yo. Bakit kailangang umibig ka pa sa kanya kung
hindi lang din naman magtatagal ang pagmamahalan ninyo. Minsan sinisisi mo ang
ibang tao, minsan naman sinisisi mo ang sarili mo. Hanggang sa wala ka nang
ibang magawa kundi umiyak na lang nang umiyak. Dahil masakit tanggapin na ang
pusong mong dati ay buo at masaya, ngayon ay malungkot at durog-durog na.
May mga pagkakataon na
gusto mong balikan ang iyong pagkabata. Kung saan mas madaling gamutin ang
gasgas sa tuhod mo kaysa sugat sa iyong puso. Pero hindi sana natin kakalimutan
na ang Diyos ay mas malapit sa mga taong sugatan ang puso. Huwag mong
panghinayangan ang bagay na nabitawan mo. Dahil kung ito ang nakatakdang
mangyari, kahit pa gaano kahigpit ang pagkakahawak mo, mabibitawan mo pa rin
talaga ito. Huwag kang magmadali. Wala namang mabuti para sa’yo na lalayo.
Naririyan lang yan. Naghihintay ng tamang oras, lugar at pagkakataon para mapa
sa’yo. Ganyan talaga, parte ng pag-ibig ang pagpapalaya.
Ang akala ng iba,
makikita ang katatagan mo kapag nanatili at lumalaban ka. Pero minsan, ang
katatagan mo ay nakikita kapag kaya mong magpalaya. Kung hindi umubra ang
nararamdaman mo para sa isang tao, maaaring may taong mas karapat-dapat sa
nararamdaman mo na iyon. Kung hindi mo kayang iligtas ang relationship nyo.
Iligtas mo na lang ang friendship ninyo. Huwag kang maging malungkot na kayo ay
tapos na. Magpasalamat ka na lang na minsan naging iyo ang puso niya. Kahit
gaano ka pa katalino, pagdating sa pag-ibig, isa ka pa ring bobo. Kahit na alam
mo nang mali, kahit na alam mo nang wala na, sige ka pa rin nang sige, asa ka
pa rin nang asa. Ang nangyayari, mas lalo ka lang nahihirapan. Mas lalo ka lang
nasasaktan. Dahil pinapaniwala mo ang sarili mo na magiging malinaw pa rin ang
lahat kahit na napakalabo na.
Kapag nagmahal ka kasi,
huwag mo ibigay lahat. Magtira ka ng para sa sarili mo. Para kung hindi man
kayo para sa isat-isa, siya lang ang mawawala mo, hindi mawawala pati ang
sarili mo. Sa mga pinagdadaanan mo ngayon, sana matuto ka na. Sana matutunan mo
na ding mahalin ang sarili mo. Dahil kailangan mo din yan, kailangan din ng
sarili mo ang pagmamahal mo. Paano mo masasabing mahal mo siya, kung sarili mo
mismo ay hindi mo kayang mahalin?
Umiyak ka lang nang
umiyak ngayon. Ilabas mo na lahat ng sama ng loob mo. At para mawala ang sakit
na nararamdaman mo, kailangan mong kalimutan ang pag-ibig na nagbibigay sa’yo
ng lungkot at sakit ngayon. Kailangan mong makaalis sa kinaroroonan mo. Pero
hindi mangyayari yan kung hindi mo ihahakbang ang mga paa mo. Maging matatag ka
lang lagi. Huwag kang mag-alala, lilipas din ang sakit na nararamdaman mo.
Lagi mo lang tatandaan
na ang pag-ibig ay hindi lang ipinaglalaban. Minsan isinusuko din, kung
kinakailangan.